KUMPIYANSA ang Department of Agriculture (DA) na hindi kakapusin ang bansa sa kinakailangang suplay ng bigas hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.
Sa kanyang inilatag na briefing sa House Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon province 1st. Dist. Rep. Mark Enverga, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na sapat ang ‘ending stock’ ng bigas ng bansa.
Paliwanag ni De Mesa, ang nakaimbak na bigas sa ngayon ay nasa kabuuang 1.72 million metric tons, na kayang tumagal ng hanggang 46 araw.
Aniya, maaari pang madagdagan ang buffer stock na ito dahil sa papalapit na anihan ng palay at ang inaasahan ding pagpasok ng imported rice.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si De Mesa sa posibleng pagtaas ng presyo ng bigas na inaangkat ng Pilipinas dala ng banta sa food production na kinakaharap ng China.
May posibilidad, aniya, na mamakyaw at mag-import ng maraming bigas ang China mula sa mga bansa na pinagkukunan din ng Pilipinas ng imported rice at ito ay maaaring magresulta sa paggalaw sa presyo nito.
ROMER R. BUTUYAN