HARD FOR ME TO SAY “I’M SORRY”

SORRY

(FASHION AND LIFESTYLE / ni NENET L. VILLAFANIA)

SORRY. Limang letrang salita, pero napakahirap bigkasin ng bukal sa puso. Bakit ba napakahirap humingi ng tawad kahit alam mong nagkamali ka. Sabi ng mga eksperto sa psychology, tatlong sentences daw ang im-portanteng malaman ng isang tao. “Thank you”, “I love you”, at “I’m sorry” – in order of difficulty, lalo na kung ma-pride ka.

Pinakamadali raw pag-aralan ang “Thank you,” dahil wala namang mababawas sa pagkatao mo, kahit pa presidente ka ng isang bansa, kung magpapasalamat ka. Susunod na ang “I love you,” dahil sasabihin mo lamang naman ito sa taong talagang mahal mo. Pero ‘yung “I’m sorry,” mahirap talaga, dahil sa totoo lang, mahirap tanggaping nagkasala ka.

Paghingi ng tawad sa bawat relasyon, love affair man iyon, friendship o kahit pa sa pamilya. Makabubuti raw ito sa ating kaluluwa. Kumbaga, sa halip na kanin at pork shop ang kakainin mo sa tanghalian, kakain ka ng chop suey o pakbet o ginisang munggo, na nakapapawi o nakababawas sa “high blood.”

Ilang kuwento na ba ang na-dramatize na taong na­ging serial killer dahil once upon a time, na-bully ng kaklase. Ilang multo ba ang hindi matahimik dahil nagkimkim ng sama ng loob kaya hindi makapasok sa pinto ng kabilang buhay. In the end, sorry lang pala ang katapat. Isang tapat na I’m sorry.

I am sorry. O plain sorry na lang. Bakit ba napakahirap bigkasin. Lagi na lamang nabibigyan ng emphasis ang mga nasaktan na dapat hingan ng ta-wad pero paano naman ang mga nakasakit? Tao rin sila. Walang taong ipinanganak na sad­yang masama ang ugali, at siguro, naranasan na rin ng bawat isa sa inyo na gustong gusto ninyong humingi ng tawad sa taong pinagkasalaan ninyo, ngunit hindi kayo magkaroon ng lakas ng loob.

Sige na nga, ako na ang masama! Ako na ang kontrabida. E ‘di wow! Mas madaling tanggapin iyon kaysa humingi ka ng tawad sa pinagkasalaan mo pero hindi ka naman pinatawad. Marami kasing dahilan kaya hindi makahingi ng tawad. Siyempre, ‘pag nagkamali ka, bibigyan mo ng justification ang sarili mo. Halimbawa, nalimutan mong birthday pala ng asawa o syota mo o anniversary pala ninyo (take note: anniversary at hindi monthsary, susme). Mas madaling mag-sorry kung maunawain si partner, pero paano kung napuno na sa pagiging malilimutin mo? Understandable kung open ka sa kanya na marami kang problema, pero paano kung hindi? Hindi niya tungkuling unawain ka sa lahat ng pagkakataon, tulad din ng hindi mo alam kung ano ang laman ng kanyang isipan.

Kung alam lamang natin kung paano magsimula ng pagsasabi ng “I’m sorry,” baka mas maraming humihingi ng tawad. Kadalasan kasi, binabalewa-la ng nakasakit na nakagawa sila ng mali. Hindi sa hindi nila alam na nakasakit sila, kundi nakahihiyang amining nagkamali sila. Pero ang pag­hingi ng tawad ang tanging paraan upang maibalik ang koneksiyon sa pinagkasalaan at ma-repair kung ano man ang nasira sa relasyon, magkaibigan man o mag-asawa. Kung balewala lang ‘yon, kalimutan mo na ang “I’m sorry” at “thank you.” Isa kang narcissist o BBS (bilib na bilib sa sarili.)

Pero ‘yung pumalpak kang tulungan ang mahal mo, ininsulto mo ang kaibigan mo, nakasakit ka ng kapuwa mo – mahaba ang listahan ng magagawa mong mali – dapat lang namang mag-apologize ka. Makabubuti ‘yon sa iyong self-image, lalo na sa iyong konsensya. Well, mababawasan ang pride mo, pero hindi naman mababawasan ang iyong pagkatao.

Sa paghingi ng tawad, hinaharap mo ang iyong pagkakamali, dahilan upang gumaan ang dalahin ng iyong konsensya. Pero mahirap ngang humingi ng tawad. Paano ba mag-uumpisa? Saang venue? Ano ang ihahanda mo? Ready ka ba sa sampal, sipa, mura at kung ano-ano pa? Oo nga at gagaan ang konsensya mo kapag nakahingi ka ng tawad, at higit sa lahat, mas nagiging mabuti kang tao dahil marunong kang tumanggap ng pagkakamali, pero paano nga? Masakit ang sampal.

Masakit din ang tungayaw. Paano na ang self-image mong pihadong masasaktan? Mas mataas raw ang self-esteem ng taong hindi nagso-sorry, kaya nga bihira sa mga boss ang marunong humingi ng patawad. At ang mga hari at emperor sa mga monarkiyang bansa, hindi talaga nagso-sorry. Nakabababa kasi ng dignidad.

Pero ang paghingi ng sorry o tawad ay paraan o pagkakataon mong mag-move forward at palakasin ang iyong core values as a person tulad ng hus-tisya, pag-ibig at pagmamahal, respeto, katapatan at iba pa. Ganoong kasimple. Hihingi ka ng tawad, mabu-boost ang iyong self-image bilang taong may moralidad na marunong magpakumbaba at humingi ng tawad kapag nagkakasala.

Sa hinaba-haba ng diskusyon natin, paano nga ba tayo magsisimulang humingi ng tawad? Ano ang dapat tandaan kapag hihingi ng tawad? Una, tanggapin mo ang responsibilidad sa nagawa mong mali na walang sinisising iba. Ikala­wa, walang buts at ifs. The harm is done, wala kang magagawa kundi tanggapin ito. At ikatlo, huwag kang mayabang. Humihingi ka na nga ng tawad, nakataas pa ang kilay mo.

Heto naman ang paraan ng pagso-sorry ng ilang parents na nagkasala sa kanilang anak:

SuperSalvz Tapado Beleo — I say sorry after ako mapaliwanagang mali ako. I give them a chance to say their piece, air their side of the story para ma­liwanag.

Louie Reynoso — Simply say sorry and ask for forgiveness, if and when I am the one who was wrong.

Kaye Nebre – Really hard to say sorry kaya action na lang. Action speaks louder than words.

Comments are closed.