HATAW PA! (Pinas tuloy sa paghakot ng ginto; 1 pa rin sa medal standing)

Sea Games

MULING humakot ng medalyang ginto ang mga atletang Pinoy para mapanatili ang pangunguna sa medal tally sa ikalawang araw ng aksiyon sa 30th Southeast Asian Games kahapon.

Hanggang alas-6:46 kagabi, ang ­Filipinas ay nakakolekta ng kabuuang 38 gold, 19 silver at 10 bronze medals para sa kabuuang 67 medalya. Ang nasa ikalawa at ikatlong puwesto na Vietnam at Malaysia ay may 10-20-16 at 10-2, ayon sa pagkakasunod.

Si Hidilyn Diaz ang naging ‘star of the show’ para sa Team Philippines nang sa wakas ay masikwat niya ang kanyang ­unang SEAG gold sa pamamagitan ng  dominant performance sa women’s weightlifting.

Si Diaz, 28, silver medalist sa 2016 Rio De Janeiro Olympics, ay bumuhat ng kabuuang 211kg nang madominahan ang women’s 55kg division sa harap ng animated crowd sa newly-renovated Rizal Memorial Coliseum.

Idinagdag ni Diaz ang kanyang breakthrough SEA Games gold sa kanyang dumaraming koleksiyon ng medalya na kinabibilangan din ng isang gold sa Asian Games at isang bronze sa world cham­pionship.

Muling kuminang ang arnis nang magwagi sa pito sa walong gold medal matches na nakatakda kahapon sa Angeles University Foundation.

Makaraang kumubra ng lima sa unang araw ng aksiyon, lumobo sa 12 ang gold haul ng Filipinas makaraang magwagi ng pito pa sa penultimate day ng kumpe­tisyon.

Ang Filipino gold medalists sa padded stick category ay sina Elmer Manlapas sa featherweight division, Carloyd Tejada sa welterweight at Jesfer Huguire sa bantamweight.

Pinataob ni Manlapas si Nguyen Duc tri ng Vietnam; naungusan ni Carloyd Tejada si Mouen Bunly ng Cambodia; at ginapi ni Jesfer Huquire si Van Cong Quoc ng Vietnam.

Si Billy Joel Valenzuela ang nag-iisang Filipino silver medallist nang talunin siya ni Yong Mengly ng Cambodia.

Sa women’s play, tinalo ni Sheena Del Monte si Nguyen Thi Huong sa kanilang bantamweight clash; namayani si Jedah Mae Soriano kay Oo Maw Maw ng Myanmar sa kanilang featherweight duel; ginapi ni Ross Ashley Monville si Aye Moe Moe ng Myanmar sa lightweight; at nadominahan ni Abegail Abad si Nguyen Thi Huc ng Vietnam sa kanilang welterweight faceoff.

Apat na finals events pa ang nakatakda ngayong araw.

Samantala, nakumpleto ng basketball at mountain bike ang sweep sa 3×3 at downhill events, ayon sa pagkakasunod, habang nag-dagdag din ang pencak silat, duathlon, at triathlon ng tig-iisang gold.

Sa basketball, ibinigay ng quartet nina CJ Perez, Mo Tautuaa, Chris Newsome at Jason Perkins ang inaugural men’s 3×3 gold ng Gilas Pilipinas nang pataubin ang Indonesia sa finals, 21-9. Rumesbak naman ang women’s side nina  Afril Bernadino, Jack Animam, Janine Pontejos, at Clare Castro sa elimination round tormentor Thailand upang kunin ang gold, 17-13.

Nagtala sina cyclists John Derick Farr at Lea Denise Belgira ng ‘twin kill’ sa  mountain bike downhill para pangunahan ang gold rush ng mga Filipino.

Ipinagkaloob ni Edmar Tacuel ang unang ginto para sa pencak silat sa panalo sa men’s seni tunggal singles event, haban nanguna si Monica Torres sa women’s duathlon individual event.

Sa kabila ng pagkasira ng tiyan bago ang kompetisyon, nadominahan ni Torres ang women’s finals sa Subic Bay Boardwalk sa pagtala ng 2 hours, 8 minutes at 44 seconds upang pagwagian ang 10-kilometer run, 40-kilometer bike, at 5-kilometer run.

“Actually, wala sa kondisyon ang katawan ko. I vomited bago ang race,” wika ni Torres, na pinagharian ang Asian elite categories ng Powerman Asia Duathlon Championships sa loob ng tatlong sunod na taon.

Tinalo niya sina Thailand’s Pareeya Sonsem (2:11:18) at Vietnam’s Thi Phuong Nguyen (2:14:20) na nagkasya sa silver at bronze medals, ayon sa pagkakasunod.

Naiposte ng triathlon ang ikatlong gold medal nito nang makipagtambalan sina Kim Mangrobang at Claire Adorna kina Fernando Casares at John Chicano upang madominahan ang mixed team relay sa Subic Bay boardwalk. Ito ang ikalawang ginto kapwa nina Mangrobang at Chicano, makaraang pagharian ang  men at women’s triathlon, ayon sa pagkakasunod, noong Linggo.

Nasikwat naman ng pencak silat ang unang ginto nito para sa Filipinas sa pamamagitan ni Edmar Tacuel, na nanguna sa men’s seni tunggal event sa Subic Bay Exhibition and Convention Center.

Ang 20-year-old mula sa Tubongan, Iloilo at anak ng isang magsasaka ay umiskor ng 470 points upang maungusan sina Muhammad Iqbal Bin Abdul Rahman ng Singapore  na kinuha ang silver na may 461 points at Dino Bima Sulistianto ng Indonesia na nagkasya sa bronze na may 460 points. CLYDE MARIANO

Comments are closed.