HATAWAN NA SA SPIKERS’ TURF

Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Coliseum)

4 p.m. – Maverick vs Criss Cross

6 p.m. – Savouge vs VNS

SASALANG na ang Criss Cross sa kanilang pinakaaabangang Spikers’ Turf debut laban sa kapwa debutant Maverick habang makakaharap ng Savouge ang  VNS-Nasty sa Open Conference ngayon sa Rizal Memorial Coliseum.

Kumpiyansa si Tai Bundit, na magbabalik sa pagko-coach sa King Crunchers, na taglay ng kanyang koponan ang mga katangian para makasabay sa mga katunggali matapos makita ang positibong resulta sa kanilang build up.

Nais din ni Bundit na suklian ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng Rebisco management at nangakong tutulungan ang Criss Cross na makamit ang kanilang ultimate goal na magwagi ng Spikers’ Turf championship, tulad ng natamo ng decorated Thai mentor sa pagwawagi ng tatlong  Premier Volleyball League titles para sa Creamline.

“My players [are] very good, they concentrate to train in the training and I will support them to be better players,” sabi ni Bundit. “I have experience, I will do better in the men’s team [in] Rebisco. Now I feel happy because my boss [is] really kind to me. Boss Jonathan [Ng] is really kind to me,” dagdag pa niya.

Si Bundit ay hindi na bago sa  men’s play makaraang gabayan ang Thai club Nakhon Ratchasima sa korona noong nakaraang taon.

Ang King Crunchers, na sisimulan ang kanilang kampanya na wala si ace spiker Marck Espejo, ay sasandal kina veterans Ysay Marasigan, Kim Malabunga at Vince Mangulabnan laban sa Hard Hitters na pamumunuan nina Razzel Palisoc at Jerome Cordez sa alas-4 ng hapon.