NAGBABALA ang medical experts ng posibleng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa kung tatanggalin ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ito ayon kay Senate President Tito Sotto ang paniniwala ng health experts na kasama sa pulong nila kay Pangulong Rodrigo Duterte para pag- usapan ang susunod na hakbang pagkatapos ng ECQ sa Abril 30.
Gayunman, marami rin aniya sa health experts ang nagrerekomenda ng modified lockdown extention lalo na sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Sotto na pinapaboran niya ang modified lockdown dahil marami namang mga lugar ang hindi masyadong apektado at kontrolado ang COVID-19.
Dapat aniyang palawigin ang ECQ sa Metro Manila subalit kailangan din lagyan ito ng kaunting modification.
Samantala, maging ang World Health Organization (WHO) ay nagpahayag sa mga bansa na huwag biglain sakaling magdesisyon silang tanggalin na ang ipinaiiral nilang lockdown.
Ayon kay Dr. Takeshi Kasai, regional director ng WHO Western Pacific, dapat ay by phase o unti-unti ang gawing pagtanggal sa lockdown.
Napatunayan na aniya na naging epektibo para mabawasan ang pagkalat ng virus ang lockdown kayat hindi maaaring basta na lamang itong tanggalin at ibalik sa normal ang daloy ng buhay. LEN AGUIRRE-DWIZ882