HEALTH PROJECT NG MAYNILA IKINAGALAK NG DOH

IKINAGALAK ng Department of Health ang mga proyektong pangkalusugan na ipinatutupad  sa lungsod ng Maynila lalo na ang pagkakaroon ng pinakamalaking dialysis center sa bansa.

Ayon sa pamunuan ng DOH, malaking tulong ang mga ginagawang proyektong pangkalusugan sa Maynila sa programa ng pamahalaan Duterte dahil bukod sa mababawasan ang load ng mga national hospital ay marami ang makikinabang sa mga ito bukod sa mga residente nito.

Kamakailan sa pagdiriwang ng kanyang ika-45 taong kaarawan ni  Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso, kasama si dating Mayor Alfredo S. Lim,  Vice Mayor Honey Lacuna, Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center director  Dr. Ted Martin ay binuksan at pinasinayaan ang pinakamalaking dialysis center sa bansa na pinangalanang ‘Flora V. Valisno de Siojo Dialysis Center.’

Si Valisno ay ang yumaong lola ni Lim na siya namang nagtayo ng Gat. Andres Bonifacio Medical Center.

Ayon kay Moreno may 91 dialysis machines sa kasalukuyan ang center at nakatakda pa itong madagdagan hangang  sa 100 at maituturing na mas malaki pa sa National Kidney Institute.

Dahil dito, mas ma­raming pasyente ang kayang pagsilbihan nito at ito ay walang bayad.

Bukod sa Siojo Dialysis center ay binuksan din sa Maynila ang bagong bloodbank sa Ospital Ng Maynila;  TB-DOTS (Tuberculosis-Directly Observed Treatment) Center at a Hemodialysis Unit kasunod nito ang pagbubukas ng kauna-unahang vaccine refrigerated room sa Manila Health Department

Kasabay nito, pina­ngunahan din ni Moreno ang pagbabasbas ng apat na sasakyang gagamitin ng mga dialysis patient para maghatid sa kanila papunta at pabalik ng dialysis center ng libre.

Samantala, ayon kay Lacuna, nasa P2,200 bayad sa kada isang session ng  dialysis at ito ay kailangang gawin ng tatlong beses sa loob ng isang linggo. VERLIN RUIZ

Comments are closed.