HEALTH PROTOCOLS PINAALALA SA MGA PUMIPILA SA COMMUNITY PANTRIES

MULING nagpaalala sa publiko ang Department of Health (DOH) hinggil sa pagsunod sa health protocols kontra COVID-19.

Ito’y sa gitna na rin ng pagdami ng mga nagsusulputang community pantries sa iba’t ibang panig ng bansa, na naglalayong makapagbigay ng pagkain sa hapag-kainan ng mga kababayan nating apektado ng pandemya.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire, maganda ang layunin ng mga community pantry na tumutulong sa mga nangangailangan ngayong may pandemya at marami rin ang magbebenepisyo sa mga ito.

Gayunman, sinabi ni Vergeire na kabilang ang mga ito sa kanilang binabantayan, maging ang iba pang matataong lugar, dahil sa posibilidad na magdulot ito ng hawahan ng COVID-19.

Paalala ni Vergeire, dapat pa ring iayon ang mga community pantry sa tamang proseso o sistema para hindi magka-karoon o maiiwasan na magkumpulan ang mga pumipilang tao.

Aniya, kailangang sumunod pa rin ang lahat sa minimum health standards, gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing upang maiwasan ang pagkakaroon o hawahan ng COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

4 thoughts on “HEALTH PROTOCOLS PINAALALA SA MGA PUMIPILA SA COMMUNITY PANTRIES”

Comments are closed.