HEALTH TIPS SA MGA EMPLEYADO

HEALTH TIPS-2

(NI CT SARIGUMBA)

KAPAG nakaharap na tayo sa kompyuter o abala sa pagtatrabaho. Hindi na natin napagtutuunan ng pan-sin kung healthy ba ang ating kinakain, kung nakaiinom ba tayo ng sapat na tubig at higit sa lahat, kung maayos pa ang pagkakaupo natin.

Malaking problema ang pagpapabaya sa sarili sabihin mang dahil iyan sa trabaho. Tandaan nating kaya tayo kumakayod ay para sa mahal natin sa buhay. At kung magpapabaya naman tayo sa ating kalusugan, mawawalan ng saysay ang ginagawa nating pagtatrabaho.

Kaya naman, upang maging healthy ang mga empleyado ano man ang kanilang ginagawa o  sob­rang abala man, narito  ang simpleng tips na dapat tandaan:

KUMAIN SA TAMANG ORAS

Hindi naman biro ang magmadaling matapos ang mga gawain. Dahil diyan, kung minsan ay hindi tayo nakakakain sa oras.

Importante sa pagpapanatiling malusog at malakas ng pangangatawan lalo na kung nagtatrabaho ka sa maghapon ang pagkain ng tama at nasa oras.

Gaya na lang ng breakfast. May ilan sa atin na nag-skip nito dahil sa pagmamadali. Napakahalaga ng pagkain ng agahan dahil ito ang makapagbib-igay ng energy sa iyo sa buong araw. Sa pagkain din ng breakfast ay naiiwasan ang pagke-crave ng mga pagkaing maaalat at matatamis.

Planuhin din ang mga kakainin sa buong araw. Makatutulong  din ang pagdadala ng healthy snacks at lunch.

IWASAN ANG MATATAMIS AT MAAALAT NA PAGKAIN

Isa na yata sa problema ng marami sa atin lalo na kapag nagtatrabaho ay ang paghahanap ng ma­ngunguya.

Iwasan ang pagkain ng matatamis at maaalat na pagkain dahil hindi ito makatutulong sa kalusu­gan. Sabihin mang madali itong mabili at kung min-san ay nagiging dahilan para makapag-isip tayo’t magawa ang mga nakaatang na gawain, mai­nam pa rin kung iiwasan ang naturang pagkain.

Halimbawa na lang ang matatamis na pagkain, masarap nga ito ngunit hindi naman nito masa-satisfy ang gutom na iyong nadarama. Kumbaga, pansamantala lang ang dulot nitong epekto.

Kung inaantok naman, mainam  ang pagkain ng dark chocolate. Huwag lang ding daramihan nang makuha ang benepisyo nito.

UMINOM NG MARAMING TUBIG

Pag-inom ng tubig nang mapanatiling hydrated ang katawan, isa pa iyan sa lagi nating naririnig at nababasa. Napakaraming benepisyo sa katawan ang pag-inom ng maraming tubig. Gayunpaman, marami rin ang hindi ito ginagawa o kinaliligtaan.

Kung dehydra­ted tayo o hindi umiinom ng tubig, kung ano-anong pagkain ang hinahanap-hanap ng ating panlasa. Kaya para maiwasan ang mag-crave ng kung ano-anong pagkain lalo na ng soda at junk food, uminom ng mara­ming tubig.

Marami ring prutas ang puwedeng subukan na good source ng water gaya ng oranges, grapefruit, grapes, watermelon at apple.

GUMALAW-GALAW

Iwasan din ang pag-upo ng matagal sapagkat nakapagdudulot ito ng sakit sa likod, leeg at iba pang parte ng katawan. Kaya naman, iwasan ang pag-upo lang. Gumalaw-galaw hangga’t maaari. Mag-stretch sa kalagitnaan ng pagtatrabaho. Tumayo-tayo. Mag-ikot-ikot sa opisina.

Subukan ding ma­ging active. Imbes na mag-elevator o escalator, kung malapit lang naman ang pupuntahan ay maglakad-lakad.

MAG-SCHEDULE NG WORKOUT MATAPOS ANG TRABAHO

Mainam din ang pagwo-workout upang ma­panatili nating malakas ang ating pangangatawan.

May ilang opisina na nagwo-workout o Zumba matapos ang trabaho. Maganda rin itong subukan.

Bukod sa makapag-eehersisyo na kayo, mas magiging  close pa kayo ng mga katrabaho mo.

MAGLAAN NG PANAHON SA SARILI AT PAMILYA

Hindi lang din puro trabaho ang kailangan nating atupagin. Importante ring nakapagpapahinga tayo. Nakapaglalaan ng panahon sa sarili at sa mga mahal sa buhay.

Hindi makatutulong sa kalusugan ang puro trabaho, sabihin mang mahal na mahal mo o gustong-gusto mo ang iyong ginagawa.

Mainam pa rin kung magpapahinga ka kasama ang pamilya. Magtungo sa ibang lugar. Magbakasyon.

MAGPAHINGA AT IWASAN ANG PAGPUPUYAT

Mahilig magpuyat ang mga tao sa panahon ngayon. Halos hindi na sila natutulog.  Sanay na sanay na sa puyatan. Madaling araw na, nasa labas pa.

Tamang  pahinga, isa pa iyan sa kailangan ng bawat isa sa atin upang mapanatili nating malusog at malakas ang ating pangangatawan. Huwag nating idahilang bata pa naman kaya’t okay lang ang magpuyat.

Hindi okay ang pagpupuyat—bata man o matanda. Marami itong masamang  benepisyo.

Ang kakulangan sa tulog ay nagiging dahilan ng pagiging overweight o obese.

Dahil kulang sa pahinga, bumabawi ang katawan sa pamamagitan ng pagkain. Kaya’t pansinin natin, malakas kumain at may  kalakihan o katabaan ang mga taong laging puyat.

Kaya’t para maiwasan ang paglapad at ang pagkakasakit, matulog ng tama.

Kapag nakapagpahinga rin tayong mabuti, mas nagiging produktibo rin tayo at malakas.

Alagaan natin ang ating sarili dahil iyan ang puhunan natin para magampanan ang ating trabaho at maibigay sa ating pamilya ang mga pangan-gailangan nila sa araw-araw. At habang inaalagaan din natin ang ating sarili at napananatili nating malusog, mas nagiging masaya tayo.

Kaya naman, gaano ka man kaabala sa trabaho man sa opisina o sa mga gawain sa bahay, siguraduhing nakapagpapahinga ka ng mabuti at napa-nanatiling malusog ang pangangatawan.

Piliin natin ang ma­ging healthy, hindi lamang para sa ating sariling kapakanan kundi maging sa ating mahal sa buhay. (photos mula sa hioscar.com, sausman.com, qualitybsolutions.net at atlantictraining.com)

Comments are closed.