HEALTH WORKER INARESTO SA VOTE BUYING

LAGUNA – ARESTADO ang 63-anyos na babaeng Brgy. Health Worker (BHW) matapos maaktuhan umanong namimili ng boto sa Brgy. Milagrosa, lungsod ng Calamba kamakalawa ng hapon.

Batay sa ulat ni Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng pulisya, kay Acting Laguna PNP Provincial Director Sr. Supt. Kirby John Kraft, nakilala ang naarestong suspek na si Corazon Tapalla Del Rosario, residente ng nabanggit na lugar.

Nahaharap sa paglabag sa Omnibus Election Code (Section 26 (a) for vote buying si Del Rosario kung saan kasalukuyang nakapiit sa Calamba City PNP lock up cell.

Sa imbestigasyon, lumilitaw na mismong si Calamba City Councilor Saturnino Lajara at kanyang kasama na si Loreto Gareza, isang electrician, ang tumatayong mga testigo matapos maaktuhang namimili umano ng boto sa lugar ang suspek sa isang botante na nakilalang si Antonio Latumbo gamit ang dalawang sobre na naglalaman ng tig-P500 piso dakong alas-5:40 ng hapon.

Dahil dito, agarang inaresto ng mga tauhan ni Maclang ang suspek kasunod ang narekober na mga ebidensiya na na-kalagay sa isang kulay brown na envelope habang patuloy pa rin na sasailalim sa masusing imbestigasyon ang naganap na insidente.  DICK GARAY

Comments are closed.