HIRAP humanap ng chica ngayong Mahal na Araw kaya pagtiyagaan na lang natin ang escapades ng mga sikat na artista — Heart Evangelista for one.
Akalain nyo bang swim suit pa lang, umaabot na ng P40,000 ang presyo? Gagamit lang vitamins sea ng isang araw, pinakyaw na ang mga swim wear ng Maison Alaia of Tunisian couturier at shoe designer Azzedine Alaïa. Sobrang high maintenance para sa isang araw na gala. Sana, all.
Siguro, sa OOTD niya sa beach, kalahating milyon na ang nagastos niya. Sana talaga, all.
IVANA ALAWI THANKFUL SA MGA TAGA-MASBATE
Impressed talaga si Ivana Alawi sa kabaitan at katapatan ng mga taga-Masbate dahil sinoli nila ang nawalang cellphone ng kanyang stylist nang mag-beach sila nitong Mahal na Araw.
May locked-in taping ang actress-vlogger sa nasabing probinsya kaya doon na rin sila nagpalipas ng Holy Week kasama ang kanyang hair stylist na si Aryan Buccat.
Nalaglag ni Aryan ang cellphone pero naibalik sa kanya agad ang gadget. Ani Ivana, kung sa Maynila ito nangyari, malamang, hindi na mababalik ang cellphone. Ilang beses na raw siyang nawalan ng cellphone sa Manila at hindi na ito nabalik kahit kelan.
Magiging bida na si Ivana sa isang teleserye kasama sina Gerald Anderson, Sam Milby, Jake Ejercito at Jameson Blake na may title na “A Family Affair,” na ipalalabas sa December.
KC CONCEPCION PINALITAN SI TONI GONZAGA NA BIDA SA ISANG NEW YORK FILM
Si KC Concepcion na ang kasama sa cast ng romantic comedy film na “Asian Persuasion,” kapalit ni Toni Gonzaga bilang bida. Ang set nito ay sa New York. Makaka-partner ni KC ang Filipino-American Hollywood actor na si Dante Basco.
Kasama rin sa cast sina Kevin Kreider, Paolo Montalban, Scarlett Sher, Celia Au, Geneva Carr at Jax Bacani, pati na sina Yam Concepcion, Rachel Alejandro at Tony Labrusca, side by side with Black Eyed Peas’ Apl.de.Ap, Janice Sonia Lee, Ami Sheth, Fe Delos Reyes, Joyce Keokham, Rex Navarrete, Imani Hanson at Devin Ilaw. All star cast talaga.
BTS MEMBER V NAGANDAHAN KAY ISABEL OLI
Ikinatuwa ni Isabel Oli na napansin siya ni Kim Tae-hyung, kilala bilang V ng South Korean boy group BTS sa Instagram.
“Oh my God! Am I dreaming? Thank you V!” bulalas ni Oli.
Nainggit naman ang ilang netizens at “sana all” daw, dahil ang BTS ay isa sa pinaka-popular na K-pop groups sa kasalukuyan. Kinilala silang Artist of the Year sa American Music Awards 2021 at nakatanggap rin ng napakaraming parangal.
ANGEL LOCSIN GUMAGANDA SA BORACAY
Mataba pa rin, pero mas lalong gumanda si Angel Locsin nang mamataan siya ng ilang fans na nagsa-sun bathing sa Boracay. Nakasoot siya ng black coverup with lace details at black crisscross swimsuit.
Napansin din ng kanyang mga kaibigang sina Marian Rivera, Dimples Romana at Kakai Bautista na ang ganda-ganda niya ngayon. Parang hiyang yata sa pagkakaroon ng asawa
Samantala, wala pang balak magkaanak si angel at ang kanyang asawang si Neil Arce dahil under medication pa si Angel dahil sa kanyang thyroid problem. Pero hindi raw naman sila nagmamadali. Mas mabuti raw na ayusin muna ang health para healthy rin ang baby sakaling magbuntis siya. Hindi raw siya makikipagsabayan kina Dimples Romana at Angelica Panganiban na kasalukuyang buntis ngayon.
“MABUHAY ANG MGA NANAY NA MAY PANININDIGAN!” ANNE CURTIS
Ipinakita ni Anne Curtis ang pink rose na tanim ng kanyang inang si Carmencita na symbolism daw ng “mother’s love,” at bilang deklarasyon na rin ng suporta niya sa kanyang presidential bet na alam na ninyo kung sino.
“A mother’s love. ‘Yan ang tawag sa rosas na ito,” ani Anne. “My mom planted this rose in her garden and how apt it is for this time… Dahil ang pangarap ko sa ating bansa ay magkaroon ng ilaw sa ating tahanan na tinatawag nating Pilipinas na gagabay, ipaglalaban, proprotektahan at mamahalin ito… mamahalin tayo. Mabuhay ang mga nanay na may paninindigan!”
BARON GEISLER BALIK SA PAGIGING ADIK SA ALAK
Nagkakaproblema raw uli ngayon si Baron Geisler dahil bumabalik na siya sa dating gawing pag-inom ng alak, ayon sa asawa niyang si Jamie Evangelista.
Humingi ng tulong si Jamie kay talent manager-comedian Ogie Diaz para masabi ang kanyang panig tungkol video nilang dalawa ni Baron, kung saan nag-aaway sila at tinapunan niya ang asawa ng container na may lamang liquid habang nakahiga ito sa kama.
Ani Jamie, “Grabe pag-relapse niya lately. Last December medyo traumatic for the kids so I told him, ”Pag iinom ka, ‘wag dito sa bahay.’”
Si Jamie ay isang psychologist na nakilala ni Baron noong nasa rehab pa siya. Ikinuwento niya kung paanong sinundo pa niya si Baron sa isang hotel dahil lasing na lasing ito. Hindi na raw siya nakatiis dahil sumusobra na ang kanyang asawa.
Aniya, matagal na siyang nagpapasensya. Tumawag pa umano siya sa rehab para ipa-detox si Baron, pero naging paranoid ito at nag-video pa para makakuha ng simpatiya. Pero sana raw, ma-overcome na talaga ni Baron ang addiction niya sa alcohol. KAYE NEBRE MARTIN