NAGPASABOG si Goran Dragic ng game-high 25 points, naitala ni Bam Adebayo ang 15 sa kanyang 21 sa mainit na third-quarter comeback at binura ng Miami Heat ang 17 points deficit upang gapiin Boston Celtics, 106-101, sa Game 2 ng Eastern Conference finals noong Huwebes ng gabi sa Orlando.
Kumalawit din si Adebayo, ang bayani ng Game 1 sa kanyang krusyal na block sa overtime, ng 10 rebounds at umangat ang Heat sa 2-0 sa best-of-seven series at 10-1 sa playoffs.
Anim na Miami players ang umiskor ng double figures, kung saan nagdagdag sina Duncan Robinson ng 18 at Jimmy Butler ng 14.
Tumipa si Kemba Walker ng 23 points upang pangunahan ang Celtics, at gumawa sina Jayson Tatum at Jaylen Brown ng tig-21 points.
Nakatakda ang Game 3 sa Sabado ng gabi (US time).
Na-outscore ng Heat ang Celtics, 37-17, sa third quarter upang kunin ang 84-77 lead papasok sa final period. Rumesbak ang Boston sa pamamagitan ng 10-2 run sa kalagitnaan ng fourth, at naitabla ang iskor sa 89 sa basket ni Brown, may 5:37 ang nalalabi.
Napanatili ng Celtics ang momentum at lumamang ng lima, 94-89, sa 3-pointer ni Walker, may 4:25 ang nalalabi. Subalit sumagot ang Heat ng 13-1 run upang makontrol ang laro, kabilang ang layup ni Jae Crowder, may 1:26 sa orasan na nagbigay sa Miami ng 102-95 kalamangan.
Nailapit ni Brown ang Boston sa tatlong puntos, 104-101, sa isang 3-pointer, may 49.4 segundo ang nalalabi, subalit bigo siyang itabla ang laro, may 15.1 segundo sa orasan.
Nalamangan ng 13 points sa pagsisimula ng third, sumandal ang Heat sa 15-2 spurt para sa 72-71, may 4:17 ang nalalabi, at kumana si Adebayo ng 11 points sa naturang run, na nagbigay sa Miami ng una nitong kalamangan buhat sa 1:13 ng opening quarter. Tinapos ng Heat ang period sa 10-1 stretch upang palobohin ang kanilang bentahe sa pito sa pamamagitan ng tres.
Abante ang Celtics sa 31-28 matapos ang dikit na first quarter. Lumayo ang Boston sa second, kung saan naitala nito ang una nitong double-digit advantage, 43-33, sa back-to-back 3-pointers ni Brad Wanamaker, may 8:37 ang nalalabi. Umabot ang kalamangan sa 17, may 3:19 sa orasan, ngunit tinapyas ng Miami ang deficit sa 60-47 sa break.
Comments are closed.