HEAT TINAPOS NA ANG HAWKS

UMISKOR si Victor Oladipo ng 23 points at nagposte si Bam Adebayo ng 20 points at gumawa ng key defensive play nang dispatsahin ng Miami Heat ang bisitang Atlanta Hawks, 97-94, para sa series-clinching victory sa Game 5.

May dalawang pagkakataon ang Hawks na makatabla sa huling 30 segundo, subalit sumablay sa tira bago ang game-ending steal ni Adebayo. Makakasagupa ng Miami sa conference semifinals sa Lunes ng gabi ang magwawagi sa pagitan ng Philadelphia 76ers at Toronto Raptors.

Tumipa si Tyler Herro ng 16 points at tumapos si Max Strus na may 15 para sa Heat, na naglaro na wala si Jimmy Butler (knee) at sa ikalawang sunod pagkakataon, si Kyle Lowry (hamstring).

Nakalikom si Atlanta’s De’Andre Hunter ng 35 points at 11 rebounds, habang nalimitahan si star Trae Young sa 11 points na may 6  turnovers.

Grizzlies 111,

Timberwolves 109

Naitala ni Ja Morant ang 18 sa kanyang game-high 30 points sa fourth quarter, kabilang ang isang tiebreaking layup sa final second, at kinuha ng host Memphis ang 3-2 lead sa kanilang first-round Western Conference playoff series kontra Minnesota.

Nag-ambag din si Morant ng 13 rebounds, 9 assists at 3  steals habang tumirada si teammate Desmond Bane ng 25 points at 3 blocked shots.

Tumapos si Karl-Anthony Towns na may team highs na 28 points at 12 rebounds para sa Minnesota, na sisikaping makaiwas sa pagkakasibak sa Biyernes sa Minneapolis.

Suns 112,

Pelicans 97

Kumana si Mikal Bridges ng 31 points at nagdagdag si Chris Paul ng 22 points at 11 assists nang gapiin ng host Phoenix ang New Orleans upang kunin ang 3-2 lead sa kanilang Western Conference first-round playoff series.

Nagbuhos si Deandre Ayton ng 19 points para sa top-seeded Suns, na maaaring tapusin ang series sa pamamagitan ng panalo sa New Orleans sa Huwebes. Nagsalpak ang Phoenix ng 10 of 27 mula sa arc kumpara sa 5 of 25 ng Pelicans.

Kumabig si Brandon Ingram ng 22 points, umiskor si CJ McCollum ng 21, nag-ambag su Jonas Valanciunas ng 17 points at 14 rebounds at nakalikom si Jose Alvarado ng 12 upang pangunahan ang New Orleans.