HEAT TUMABLA SA NUGGETS

NAGBUHOS si Gabe Vincent ng 23 points upang tulungan ang bisitang Miami Heat na maitakas ang 111-108 panalo kontra Denver Nuggets noong Linggo ng gabi at maitabla ang NBA Finals sa 1-1.

Naipasok ni Vincent ang 8 sa 12 shot attempts mula sa floor — kabilang ang 4 of 6 mula sa 3-point range — at na-outscore ng Heat ang Nuggets, 36-25, sa fourth quarter.

Nakakolekta si Bam Adebayo ng 21 points at 9 rebounds at nagdagdag si Jimmy Butler ng 21 points at 9 assists para sa Miami, na magiging host ng Game 3 ng best-of-seven series sa Miyerkoles.

Kumubra si Denver’s Nikola Jokic ng 41 points at 11 rebounds at nag-ambag si Jamal Murray ng 18 points at 10 assists. Gayunman, tumama sa bakal ang 3-point attempt ni Murray, may 1.9 segundo ang nalalabi.

Umiskor si Aaron Gordon ng 12 points at nagdagdag si Bruce Brown ng 11 mula sa bench para sa Nuggets, na nahulog sa 9-1 sa home sa playoffs.

Tangan ng Denver ang 83-75 kalamangan sa loob ng tatlong quarters bago pumutok ang Miami para sa 32-12 run sa unang eight-plus minutes ng fourth. Nagsalpak si Duncan Robinson ng pares ngtreys at dalawang layups at nakumpleto ni Butler ang three-point play at 3-pointer upang tampukan ang surge.

Ibinuslo ni Murray ang dalawang 3-pointers at kumonekta rin si Gordon mula sa arc upang tapyasin ang kalamangan ng Heat sa 109-106, may 1:09 sa orasan. Sumagot si Adebayo sa pagsalpak ng pares ng free throws at tumugon si Jokic ng short jumper bago sumablay si Murray sa kanyang game-tying attempt.

Tinapyas ng 3-pointer ni Kyle Lowry ang bentahe ng Nuggets sa 77-75, may 2:08 ang nalalabi sa third quarter bago umiskor si Jokic ng huling anim na puntos sa period.

Ipinasok ni Butler ang isang floating jumper upang bigyan ang Miami ng 21-10 lead at sumagot si Max Strus sa modest Denver run sa kanyang ika-4 na 3-pointer upang itulak ang kalamangan ng kanyang koponan sa 24-15 sa huling bahagi ng first quarter.

Sumagot ang Nuggets sa pagkamada ng 35 sa sumunod na 46 points ng laro, tampok ang short jumper ni Brown, may 5:02 ang nalalabi sa first half.

Abante ang Denver sa 57-51 sa break.