HEAT VS LAKERS SA NBA FINALS

Bam Adebayo

TUMABO si Bam Adebayo ng career-high 32 points at 14 rebounds, at kumana si Tyler Herro ng 11 points sa fourth quarter upang tulungan ang Miami Heat na itakas ang 125-113 panalo laban sa Boston Celtics at sumampa sa NBA Finals sa Game 6 noong Linggo ng gabi (US time) sa Orlando.

Nagdagdag si Jimmy Butler ng 22 points, gumawa si Herro ng 19 at umiskor si Andre Iguodala ng season-high 15 para sa Heat na umabante sa Finals sa unang pagkakataon magmula noong 2014. Nag-ambag din sina Duncan Robinson ng 15, at Goran Dragic ng 13.

Inako ni Adebayo, pinangunahan ang koponan na may average na 21.8 points per game sa series, ang kasalanan sa pagkatalo ng  Miami sa Game 5 makaraang malimitahan sa 13 points lamang.

“I put that weight on my shoulders, and I got to perform,” aniya. “At the end of the day, I left it all on the court and we ended up with a W.”

Tumipa si Jaylen Brown ng 26 points, kumamada si  Jayson Tatum ng 24 at career-high 11 assists at nagdagdag sina Marcus Smart at  Kemba Walker ng tig-20 points para sa  Celtics, na nabigong makumpleto ang pagbangon mula sa 3-1 deficit sa best-of-seven Eastern Conference finals.

“It was a fun run,” ani Walker, na sinamahan ang Boston noong huling offseason bilang prized free agent acquisition nito.

“Tough pill to swallow, but we fought hard. That’s all you can ask for.”

Naisaayos ng Miami ang duelo sa Los Angeles Lakers sa NBA Finals na ang Game 1 ay nakatakda sa Miyerkoles (US time).

“We’ll have a very healthy respect for our next opponent,” pahayag ni Heat coach Erik Spoelstra, na nakopo ang kampeonato noong 2012 at  2013 noong si Lakers star LeBron James ay naglaro para Miami.

“We know who we’re facing.”

Binura ng Heat ang six-point deficit sa fourth nang maipasok ni Butler ang isa sa dalawang foul shots bago isinalpak ni Herro ang isang 3-pointer at nagdagdag ng isa pang bucket upang itabla ang talaan sa 96, may  7:40 sa orasan. Lumamang ang Miami sa 104-102, may 5:31 ang nalalabi, at na-foul out si Daniel Theis para sa Boston, kung saan naipasok ni Adebayo ang isa sa dalawang free throws.

Sinindihan ng free throw ang 13-0 run para makalayo ang Heat. Ibinigay ni Herro ang unang double-digit lead ng Miami sa 112-102, may 3:31 sa orasan, at 116-102 ang iskor bago pinutol ng Celtics ang halos four-minute scoring drought.

“Miami deserves a lot of credit,” wika ni Celtics coach Brad Stevens. “They’re super physical, super tough and very savvy. I think they’re the best team in the East and deserve to be representing the East, the way that they’ve played.”

Isang 7-0 Celtics spurt sa huling bahagi ng third quarter ang nagtabla sa iskor sa 86. Isang basket ni Dragic, may 26 segundo ang nalalabi, ang nagbigay sa Miami ng 88-86 lead papasok sa fourth.

Gumawa si Tatum ng 12 points sa second quarter matapos na hindi makaiskor sa  first kung saan nalamangan ang Celtics ng hanggang 9 points. Ang kanyang layup, may 1:56 sa orasan, ang nagbigay sa  Boston ng 56-55 bentahe, subalit nabawi ng Heat ang trangko sa layup ni Adebayo, may 42.6 segundo ang nalalabi, at umangat sa 62-60 sa break.

Comments are closed.