HEINOUS CRIMES NI SUSUKAN PANAGUTAN-AFP

Edgard Arevalo

“We subscribe to the rule of law.”

Ito ang naging pahayag kahapon ni AFP  spokesman and  Commander, AFP Education, Training and Doctrine Command Major General Edgard Arevalo kaugnay sa isyu ng pag-aresto at pagdetine sa teroristang si Abu Ssyyaf Group sub leader Abduljahid Indang Susukan.

Ayon kay Arevalo, kailangang panagutan ni Susukan ang napakaraming heinous crimes na nagawa nito kabilang ang 23 murder cases, limang  kidnapping at serious illegal detention, anim na reklamong  frustrated murder.

Nabatid na dahil sa pagiging high value individual ay nakatakdang maghain ng Joint Motion to Transfer Custody of the accused (Susukan) to AFP  ang PNP sa pamamagitan ng kanilang Intelligence Group habang ang Sandatahang Lakas naman ay sa pamamagitan ng kanilang Judge Advocate General.

Ayon kay Arevalo, nasa korte na ang bola kung kakatigan sila na mailipat sa kustodiya ng AFP si Susukan na akusado rin sa mga  cross boarder crime at wanted din sa Malaysia.

Samantala, sa lumutang na isyu hinggil sa pagkakaloob ng amnestiya kay Susukan ay inihayag ni Arevalo na susuportahan nila ito kung ito ang pagdedesisyunan ng mga political leaders ng bansa.

“The matter of amnesty is beyond the AFP to comment on since that is a legal matter.”  “It is an issue the resolution of which is rightfully vested upon the political decision makers to pass upon based on the recommendation of the Department of Justice. “

“ And whatever that decision will be, the AFP will support it,” ani Arevalo.

Nitong nakalipas na linggo ay  tinuligsa ni Senador Panfilo Lacson ang tila pagbibigay ng  VIP treatment kay Susukan at posibleng makasira umano ito sa kapapasang Anti-Terror Bill 2020.

“Huwag naman sana. Pag pinaghalo ang pulitika at terorismo, talo lahat tayo. Why? Politics has no logic and terrorism has no reason,” ani  Lacson na siyang may akda ng   Anti-Terrorism Act of 2020 sa Mataas na kapulungan.

Kinumpirma ng PNP na mananatili muna sa police custody ang   ASG sub-leader  habang hinihintay ang commitment order nito mula sa korte.

Kapwa kasi napagkasunduan ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa at AFP Chief of staff Lt.Gen. Gilbert Gapay na sa PNP muna ang kustodiya ni Susukan.

Ayon naman kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo, pansamantalang mananatili sa kustodiya ng PNP ang arestadong ASG sub-leader hanggang wala pang court order na nagtatakda kung saan ididitine si Susukan.

Madaling araw ng Sabado nang idating si Susukan sa Kampo Crame na agad isinailalim sa Covid-19 RT-PCR testing.

Pumunta si Susukan sa Davao para makipagkita kay dating MNLF chairman Nur Misuari  nang hindi umano alam nina Sec Lorenzana, Gen.  Gapay at Gen Gamboa.

Si Susukan ay mapayapang isinuko ni Misuari sa Davao City nuong Huwebes ng gabi matapos isilbi ang warrants of arrest para sa kanyang mga kaso. VERLIN RUIZ

Comments are closed.