HEPE NG PULIS NA MISSING IN ACTION SINIBAK

Supt-Guillermo-Eleazar

PASAY CITY – TINANGGAL sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang isang hepe ng isang Police Community Precinct (PCP) sa Pasay City matapos na ito ay hindi maabutan sa kanyang puwesto.

Natanggal bilang hepe si Chief Inspector Allan Estrada ng CCP Complex PCP-1 ng Pasay City Police nang ito ay hindi maabutan ni Eleazar sa kanyang puwesto matapos na ang naturang NCRPO director ay magsagawa ng sorpresang inspeksiyon kahapon ng madaling araw.

Bandang ala-1:30 ng madaling araw nang magsimulang mag-ikot sa i­lang police station at police community precinct sa Metro Manila si Eleazar upang personal na makita ang kalagayan ng mga pulis at ng mga pasilidad dahil sa kasagsagan ng malakas na ulan.

Pagdating ni Eleazar dakong alas-2:00 ng madaling araw sa PCP-1 kung saan si Estrada ang hepe ay nakakandado ang pintuan ng opisina.

Ilang minutong kinatok ni NCRPO Chief ang kuwarto ng commander ng PCP 1 ngunit wala umanong sumasagot at naka-double lock ang pintuan ng kuwarto.

Nang malaman ni E­leazar na bukas ang backdoor nito, dito na pumasok ang naturang NCRPO director at ang  tanging naabutan ay ang dalawang baril na nasa lamesa habang ang mga bala at pitaka ay nasa kama naman nito.

Sinabi naman ni SPO4 Moises Sto. Tomas, deputy ni Estrada, na hindi niya alam kung nasa loob ng kuwarto ang kanyang hepe.

Sinubukan naman tawagan ni Sto. Tomas ang kanyang hepeng si Estrada sa cellphone ngunit nakapatay ito.

Agad namang tinawagan ni Eleazar ang hepe ng Pasay City Police na si Senior Supt. Noel Flores upang ipaalam ang nangyari.

Makaraan ang ilang minuto ay dumating si Flores at sinubukan ding tawagan sa telepono si Estrada ngunit nakapatay pa rin ang cellphone  nito.

Ayon kay Eleazar, hangga’t gising ang mga naka-duty na pulis ay walang problema kung matulog sa gabi ang mga hepe o pcp commander sa loob ng police station.

Agad naman inatasan ni Eleazar si Senior Supt. Flores na sibakin sa puwesto si Estrada at pinag­re-report din ito sa tanggapan ng NCRPO.

Bukod pa dito, inutusan din ni Eleazar si Flores na magtalaga muna ng Officer-in-Charge (OIC) sa nasabing prisinto habang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente.

Pansamantalang itinalaga bilang officer-in-charge si Senior Inspector Oscar Santos, na dating hepe ng PCP-8. M. FERNAN-DEZ

 

 

Comments are closed.