HIGIT 1,400 ATLETA INAASAHAN SA ASIAN SWIMMING MEET

POC-Philippine Southeast Asian Games

MAHIGIT sa 1,400 atleta ang inaasahang magtitipon-tipon sa Aquatics Center ng New Clark City para sa 11th Asian Age Group Swimming Championships sa December 3-14.

Ito ang magkasamang inanunsiyo nina Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino at Bases Conversion Development Authority Senior Vice President Corporate Services Group Arrey Perez sa logo launch ng event sa Charito sa Tagaytay City noong Lunes.

Bukod sa championships para sa swimmers na may edad 11 hanggang 18, ang 45-country Asian Swimming Federation (ASF) ay magdaraos din ng Congress nito sa event sa Clark.

Iginawad ng ASF sa POC at BCDA ang hosting rights para sa championships, na orihinal na itinakda noong 2020 subalit nakansela dahil sa pandemya.

“We are handling the competition as a caretaker—as long as there’s no legitimate swimming body recognized [by the ASF and World Aquatics, formerly FINA],” wika ni Tolentino. “The POC and BCDA are together in this meet.”

Isang World Aquatics-ordered at POC-supervised elections para sa mga bagong miyembro ng board of trustees ng Philippine Swimming Inc. ang nakatakda sa Huwebes sa East Ocean Seafood Restaurant sa Pasay City.

“The Aquatics Center is in harness for the championships—from the competition aspect to the accommodation and other organizational needs of the delegates,” wika ni Perez.

Ang championships ngayong taon ay nagsisilbi ring qualifiers para sa Paris 2024 Olympics.

Ang India ang naging host sa event noong 2019 na umakit ng 1,322 swimmers mula sa 32 bansa.