MAHIGIT isang milyong informal sector workers ang pinagkalooban ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) ng livelihood assistance at emergency employment.
Ayon sa second quarter progress report ng Department of Labor and Employment – Bureau of Workers with Special Concerns, kabuuang 1,062,499 informal sector workers ang natulungan ng DILEEP, na tumanggap ng P6,359,399,598.00 na grants.
Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) o ang Kabuhayan Program component ng DILEEP, ang DOLE ay nagkakaloob ng grant assistance para sa start-up, enhancement, o restoration ng nawalang kabuhayan para sa disadvantaged (vulnerable, marginalized, displaced) individuals o groups sa informal sector.
Kabuuang 36,846 workers, pangunahin mula sa vulnerable groups tulad ng underemployed, magulang ng child laborers, at marginalized farmers at fisherfolk, ang tumanggap ng DILP assistance na nagkakahalaga ng P707,187,360.00.
Sa naturang mga benepisyaryo, 27,128 ang nagkaroon ng bagong livelihood projects, habang 9,065 ang nag-expand. Bukod dito, 653 ang tinulungan na maibalik ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng DILP.
Nasa 10,493 workers, o 28.48% ng mga benepisyaryo na tinulungan sa ilalim ng livelihood program, ang nagmula sa 4th hanggang 6th income class municipalities ng bansa.
Nasa ilalim din ng DILEEP ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program ng DOLE, na nagkakaloob ng pansamantalang trabaho sa disadvantaged workers sa loob ng 10 hanggang 90 araw, depende sa nature ng assigned community work.
Ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng sahod base sa pinakamataas na umiiral na minimum wage sa rehiyon.
Mula April hanggang June 2024, nasa 1,025,653 workers ang na-hire sa ilalim ng naturang cash-for-work program na may P5,652,212,238.00 wages.
Ayon sa report, ang Bicol Region ang may pinakamalaking bilang ng natulungang workers na may 141,443, sumunod ang CALABARZON na may 83,665 at Central Luzon na may 83,163.