Hiniling ni Education Secretary Sonny Angara sa mga pribadong institusyong pampinansyal ang moratorium sa pagbabayad ng pautang sa mga guro at non-teaching personnel upang maibsan ang kanilang pasanin, lalo na ang mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
“Taos-puso akong umaasa na, sa oras ng pangangailangan, maging ang pribadong sektor, kabilang ang iginagalang na institusyong pampinansyal, ay makakahanap ng dahilan upang ipaabot sa kanila ang kinakailangang tulong na ito,” ani Angara sa isang liham sa mga institusyong pampinansyal.
Partikular na ipinaabot ni Angara ang kahilingan para sa isang moratorium ng mga pagbabayad ng utang ng mga empleyado ng DepEd na direktang apektado ng bagyo sa loob ng tatlong (3) buwan, simula Enero 2025, at may mga pagbabayad na magpapatuloy sa Abril 2025.
Ang partikular na kahilingan ay inilaan para sa mga bonafide na residente o tauhan ng DepEd sa loob ng mga lugar ng kalamidad gaya ng idineklara ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno tulad ng Office of the President, local government units, o Office of Civil Defense simula noong Setyembre 2024.
Samantala, hiniling din ni Angara na ang lahat ng DepEd personnel ay mabigyan ng moratorium sa kanilang mga pagbabayad sa utang para sa Disyembre 2024.
Inaasahang sasakupin ng moratorium ang lahat ng singil, gastos, at interes.
Hiniling din ng Education chief na ang Government Service Insurance System (GSIS) ay magbigay ng parehong interbensyon at termino sa mga kawani ng ahensya sa mga tuntunin ng pagbabayad ng utang.
Bukod dito, ang Kagawaran ay nakipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa mga pautang ng lahat ng empleyado ng DepEd na napapailalim sa moratorium na hindi maiuri bilang non-performing loans, partikular sa mga panahon ng Disyembre 2024 hanggang Marso 2025.
“Patuloy na nagsilbi ang ating mga tauhan sa bayan at sa mga mamamayan nito sa pagtiyak na mas maliwanag ang kinabukasan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon,” pagtatapos Sec. Angara.
ELMA MORALES