HUMILING na ng pondo ang Department of Transportation (DOTr) sa Department of Budget and Management (DBM) para sa fuel subsidy ng public utility vehicle (PUV) drivers kasunod ng serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isang statement, sinabi ng LTFRB na sa request na ipinadala ng DOTr sa DBM ay may 377,443 benepisyaryo ang tatanggap ng fuel subsidies na nagkakahalaga ng P6,500 bawat isa para sa kabuuang halaga na P2,453,379,500.
“Bukod sa franchise grantees na traditional at modern PUV, isasama na rin ang Public Utility Bus (PUB), Minibus, Taxi, UV Express, Transport Network Vehicle Service (TNVS), Tourist Transport Service (TTS), maging ang mga tricycle na pinangangasiwaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Delivery Services sa Department of Trade and industry (DTI) at Department of Communications and Technology (DICT),” ayon sa ahensiya.
Ipinalabas ng LTFRB ang statement makaraang himukin ni Senadora Grace Poe ang pamahalaan na maglabas ng pondo para sa fuel subsidy ng PUV drivers sa ilalim ng 2022 national budget para mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
“Simula noong naipasa ang pondo ng gobyerno sa ilalim ng GAA [General Appropriation Act] 2022, agad nagpulong ang mga opisyal ng LTFRB upang maisaayos ang pagpapatupad ng fuel subsidy program ngayong taon,” nakasaad sa statement ng ahensiya.
Hinihintay na lamang ng DOTr ang pagpapalabas sa pondo na ni-request nito sa DBM.
“Oras na mailabas ito, ibibigay ang nakalaang pera sa programa sa LBP [Land Bank of the Philippines] para mapabilis ang pagbibigay ng subsidiya sa mga benepisaryo.”
Idinagdag ng LTFRB na bagaman may pondo para sa pagpapatupad ng fuel subsidy program, may special provision ang DOTr kung saan mailalabas lang ang pondo oras na lumagpas ng $80 per barrel ang average ng Dubai crude oil price sa loob ng tatlong buwan, base sa Mean of Platts Singapore (MOPS).
“Sa kabila niyan, handa ang DOTr at LTFRB na ipagpatuloy ang fuel subsidy program na inaasahang sa April 2022 pa muling maipatutupad.”