(Hiling ng pamilya ni Cong Mendoza) AGARANG HUSTISYA

Edgar Mendoza

BATANGAS – SA gitna ng dalamhati ng pamilya at mga kaibigan, agarang hustisya ang sigaw ng mga kamag-anak ng pinaslang na si da­ting Batangas Cong. Edgar Mendoza kasama ng kaniyang driver at bodyguard matapos umanong patayin sa San Francisco, Quezon kahapon.

Nais ng anak ni Mendoza na si Atty. Edgar Carlos Mendoza na itama ang mga paunang maling report sa media na mayroong kasamang babae o third party involved sa kaso.

Dagdag niya wala ring tama ng bala sa katawan ang kaniyang ama nang ito ay matagpuan.

Sa ngayon nakabatay lamang sa process of elimination ng isasagawang DNA testing ang pagkakakilanlan sa labi ni Mendoza at maaring tumagal ang pagsusuri ng isang buwan.

Natagpaun ang sunog na mga bangkay  ni Mendoza kasama ang driver na si Nicanor Mendoza at aide na si Ruel Ruiz sa isang tulay sa Quezon.

Kinumpirma naman ng mga kaanak ng driver na sa kanilang ama ang narekober na singsing sa crime scene. Sa salaysay ng batang Mendoza, alas-10 ng uamga nang umalis ng bahay ang kanilang ama ay dumaan sa isang kainan sa Lipa-San Jose junction.Bandang ala-1 ng hapon ang naging huling komunikasyon ng batang Mendoza sa ama at nabanggit na papunta sa Calamba, Laguna  para sa isang meeting. Alas-4 ng hapon ay hindi na ito matawagan at alas-9 ng gabi nang subukan nila itong tawagan subalit wala na lahat sumasagot.

Bandang alas-6 ng umaga ng tumawag ang Tiaong police para i-identify ang kotse ni Mendoza dahil na rin sa narekober na ID sa lugar.

Base sa report ng Tiaong police, madaling araw pa nila nalaman ang nasunog na sasakyan sa tagong bahagi ng Tiaong, Quezon hanggang matagpuan ang mga nagkalat na gamit ng mga biktima kung saan nakilala ang mga biktima.

Sa pahayag ng mga kaibigan ni Mendoza, matulungin  ang biktima.

Hustisya ang hiling ng pamilya ni Mendoza at hiningi rin ang tulong ng gobyerno para maresolba ang kaso. RON LOZANO

Comments are closed.