HILING SA DILG: CONTACT TRACING PAIGTINGIN

Senadora Grace Poe-4

UMAASA si Senadora Grace Poe na mas magiging epektibo ang implementasyon ng contract tracing sa pamumuno ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pinondohan ng  P5-bilyon sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One bill.

“Importante talaga ang contact tracing at importante sa contact tracing ay siyempre meron kayong kakayanan na gawin ‘yan, na meron kayong mga tauhan na gagawa niyan,” ayon kay Poe, isa sa mga senador na nagsulong para pondohan ang inisyatibo sa Bayanihan 2 bill.

Sa panayam, sinabi ng senadora na ang local government officials ang mas nakakakilala sa kanilang mga nasasakupan at mas may alam kung paano matutukoy ang mga taong nakasalamuha ng isang virus carrier.

Ani Poe, puwedeng gamitin ng DILG ang mga barangay health worker, mga taong nakakatanggap ng conditional cash transfers, o iyong mga nawalan ng trabaho bilang contact tracers sa komunidad.

“Lahat ‘yan, ang magdedesisyon ay ang DILG kasama ang mga local government. Unang-una, nakapagbigay ka na ng trabaho. Pangalawa, natutunton pa kung sino-sino ang mga nagkaroon ng COVID-19 para ma-isolate sila at hindi na makahawa,” aniya.

Gayunpaman, dismayado ang  senadora sa mabagal na aksiyon ng Department of Health ukol sa contact tracing kahit pa mayroon itong bilyon-bilyong pondo.

Iginiit nito, nakatulong sana ito nang malaki sa pagpigil sa pagkalat ng pandemya sa simula.

“Alam naman natin ang naging isyu ng Department of Health. Ang daming mga naging problema. Meron silang P200 bilyon na hindi man lang nila nagagamit o naipapamahagi, tapos ang pera na ginamit pa nila hindi naman napunta sa tamang sitwasyon. So nag-isip kami sinong gagawa ng contact tracing,” giit ni  Poe.

“Magiging successful lamang ang tracing kung may tiwala ang mga mamamayan sa ating public health officials, kung magbibigay sila ng tamang impormasyon, at susunod sa mga health protocol sa lahat ng oras,” dagdag pa nito.

Idiniin ni Poe ang kahalagahan ng contact tracing bilang subok nang istratehiya sa pagpigil sa pagkalat ng virus.

Aniya, ang pagkakaroon ng hukbo ng mga contact tracer ay makatutulong sa bansa na makuha ang  patient-to-close contacts ratio na mabisang paraan upang labanan ang pandemya.

Kaya’t inaasahan ni Poe na epektibong magagawa ng DILG ang bagay na ito at regular na makakapag-ulat sa Kongreso kung paano nito ginagamit ang pondong nakalaan sa contact tracing. VICKY CERVALES

Comments are closed.