Hillspa Resort: Magandang Bakasyunan at Events Place sa Napakamurang Halaga

Matagal nang kilala ang Hillspa Resort, isang hot spring resort, na isa sa mga unang magagandang resort sa Los Baños, Laguna. Ilang henerasyon na rin ng mga resort-goers ang nakapunta sa resort na ito. Liban sa mga matatagal na nitong suki, ang hindi alam ng nakararami ay patuloy na pinapaganda ang resort ngunit nananatili pa ring mababa ang entrance fee nito na isang daang piso para sa day tour (8 am to 5 pm) at dalawang daang piso naman pag pumasok sa gabi (6 pm to 6 am).

“May mahigit ng isang dekada nang hindi tumaas ang presyo ng entrance fee ng resort. Karamihan sa resort dito ay nagtaasan na ng presyo at ang kasunod na mababa ang entrance fee base sa published rates ng mga kalapit na resort ay may mga 50% na mas mataas kaysa sa aming entrance fee,” ani ng may-ari na si Atty. Albert Ocampo. “Ang dahilan kung bakit naman po hindi pa kami nagtataas ay dahil bahagi ng misyon ng aking ina na si Dra. Suzy Ocampo, isang tubong Los Baños, na magkaroon ng isang lugar dito na magpapasaya ng maraming tao. Ito na nga ang dahilan kung bakit itinayo nila ng aking ama ang Hillspa Resort.”

“Kung kaya naman habang kaya ng aking pamilya, pina­panatili naming mababa ang presyo ng entrance fee para mas marami ang makapunta at makapasok sa Hillspa Resort. Mas maraming nakakapasok at napapasaya ang resort, mas natutupad naman namin ang bisyon at hangarin ng aking ina,” aniya pa ni Atty. Ocampo.

Ang Hillspa ay may total bed capacity para sa 84 katao. Mayroon itong labing dalawang kuwarto at isang napakalawak na loft area sa isang pasilidad nito kung saan puwedeng magkasya ang 24 katao. Mayroon itong tatlong malalaking swimming pools, apat na malalawak na function halls, isang campsite para sa gustong magdala ng mga tents o mag-camping at mayroon din silang malawak na parking area.

Isang ipinagmamalaki ng resort ay ang natural na “ambiance” ng lugar. Makabago ang mga pasalidad pero matingkad ang kalikasan. Presko at mahangin rin sa anumang bahagi ng resort. Nang itinayo ang tatlong mga swimming pool ay sinundan pa nga ang mga contours ng kabundukan kahit na may karagdagang gastos sa paggawa nito. “Kung mapapansin niyo, mula sa harapan ay hindi niyo nakikita ang mga pools bagkus ang nakikita ninyo ay ang kabundukan lamang. Sinundan kasi ng aking mga magulang ang physical terrain ng lupain para hindi masyadong mabago ang natural na ganda ng lugar, ani Atty. Ocampo. “Ang resort na ito ay malapit sa kalikasan at hindi puro konkreto at semento na lamang ang nakikita kundi pati ang kagandahan at kalinisan ng bahagi ito ng bundok ng Mt. Makiling.

Naging mainam tuloy na puntahan ang resort para sa mga nature-lovers, para sa mga gustong magdaos ng kanilang mga events na hindi nakakulong sa konkreto o sa isang malaking kuwarto at sa mga gustong mag-outing na naiiba naman sa mga nakikita sa siyudad na halos swimming pool at mga gusali na lamang.

Ang Hillspa Resort ay matatagpuan sa Barangay Lalakay, Los Baños, Laguna. Mainam ang lugar hindi lamang para sa mga outing kundi pati sa lahat ng uri ng selebrasyon gaya ng birthday, binyag, kasal, team building, debut at iba pa.