(Himok sa CHED) LIBRENG TUITION SA 118 LUCs

Senador Win Gatchalian-3

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na gawing libre ang tuition sa lahat ng 118 local universities and colleges (LUCs) sa bansa.

Ayon sa mambabatas, mahalaga ang hakbang na ito upang makinabang ang mas maraming mag-aaral sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 o Republic Act 10931 na naglalayong magbigay ng libreng dekalidad na edukasyon sa kolehiyo.

Kamakailan lamang ay nilagdaan ng CHED ang isang kasunduan kasama ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFast at ang 27 LUCs para madagdagan pa ang bilang ng mga estudyanteng nasa kolehiyo na mabigyan ng libreng matrikula para sa school year 2019-2021.

Bukod sa 27, may nauna nang 76 na LUCs na kasalukuyang nagbibigay na ng libreng matrikula simula nang maisabatas ang ‘free tuition’ noong 2017.

Maliban sa libreng matrikula, maaari na ring magbigay ang  LUCs na ito ng tulong pinansyal sa mga nangangailangang mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas, kailangang sumunod ang LUCs sa mga pamantayan ng CHED upang makapag-alok ang mga ito ng libreng kolehiyo.

Ayon kay Gatchalian, kailangang tulungan at himukin ng CHED ang nalalabing 15 LUCs na sundin ang mga panuntunan nito.

“Mahalaga ang papel ng mga lokal na pamantasan at mga kolehiyo upang gawing abot-kaya ang dekalidad na edukasyon. Kung masisiguro natin na may kakayahan ang lahat ng mga paaralang ito na magbigay ng libreng edukasyon, mas marami tayong matutulungan na mga kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa na makapagtapos at magkaroon ng maa­yos na kinabukasan” ani Gatchalian, na isa sa mga may akda at sponsor ng free tuition law.

“Isang mahalagang reporma sa ating sistema ng edukasyon kung maibibigay natin ito nang libre sa ating mga pampublikong pamantasan at mga kolehiyo. Sa puntong ito, ang layunin natin ay masigurong naipapatupad natin nang wasto ang batas upang makinabang dito ang bawat kabataang Filipino,” dagdag ni Gatchalian.

Maliban sa LUCs, saklaw din ng batas ang lahat ng State Universities and Colleges (SUCs) at technical vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority  (TESDA).

Comments are closed.