HINAHANAP-HANAP NG MGA KOSTUMER SA ISANG KAINAN

KAINAN

Sa panahon ng tag-ulan, kaysarap kumain. Dahil malamig din ang paligid, kaydali-dali nating magutom. Hindi rin maiwasang maghanap tayo ng mga kainan o restaurant na puwede nating dayuhin at tikman ang samu’t saring putaheng kanilang inihahanda.

Ginagamit natin ang social media sa paghahanap ng masasarap na kainan o restaurant. Isa na nga naman ang social media sa napakalaki ng naitutulong sa atin, lalo na sa pang-araw-araw nating buhay. Iyon nga lang, kailangang limitado lamang din ang paggamit natin nito dahil kung sobra o labis na, nakasasama na ito.

Sa social media nga naman, marami ang nagpo-post ng mga pagkain o kainang kanilang pinuntahan o dinayo. At kapag nakabasa pa naman tayo o nalaman nating may sikat na kainan na dinudumog ng marami, hindi tayo nagpapahuli at nagtutungo rin tayo para matikman ang kanilang ipinagmamalaking putahe.

Bukod din sa mga nababasa nating post sa social media, isa pa sa tinatanungan natin tungkol sa mga masasarap dayuhing kainan ay ang mga kakilala at kaibigan.

Pagdating nga naman sa pagkain, walang makapipigil sa atin. Kahit pa maulan, o malayo ang pupuntahang kainan, hindi tayo nagdadalawang isip at dinarayo natin ito.

Kaligayahan nga naman ng marami sa atin ang makatikim ng masasarap na putahe. Isang matatawag ding bonding ng pamilya at mga kaibigan ang pagtungo sa isang restaurant at kainan kapag libre sila o mayroong oras. At sa buong linggo ring pagpapagod natin sa pagtatrabaho, idagdag pa ang stress at puyat, tama lang na i-treat natin ang ating sarili paminsan-minsan.

Maraming restaurant o kainan ang nagkalat sa paligid. Kumbaga, may ilan ngang lugar na sa bawat kanto ay may makikita kang karinderya o kainan.

Isa nga naman ang kainan sa negosyong kailanman ay hindi naluluma. Lahat naman kasi ng mga Pinoy, mahilig sa pagkain. Pero hindi rin lahat ng kainan at restaurant na napupuntahan natin ay masasabi nating magugustuhan o ating babalik-balikan May ilan na isang beses lang nating dinarayo. Ang iba naman, binabalik-balikan kahit pa malayo ito.

May tatlong dahilan kung bakit binabalik-balikan ng kostumer ang isang kainan o restaurant. At iyan ay ang mga sumusunod:

KALINISAN NG PAGKAIN AT KAAYUSAN NG LUGAR

KAINANNangunguna sa ­ating listahan ang kalinisan ng pagkain at ma­ging ng lugar. Importante nga namang presentable ang isang kai­nan para maengganyo kang tangkilikin ito.

Kung malinis at ma­ayos ang lugar, masasa­bi rin nating malinis at maayos ang mga pagkaing inihahanda nila roon.

Importante ang kalinisan kahit na sabi­hing maliit lang ang kainan o restaurant. Kaligtasan ng kostumer ang dapat na isaalang-alang kaya’t kailangang siguraduhin muna ng bawat may-ari ng restaurant o kainan na malinis ang kabuuan ng kanilang lugar upang dayuhin sila ng mga parokyano. Kung magulo at hindi kaaya-aya ang restaurant, magdadalawang isip na pumasok ang mga kostumer.

PRESYO NG MGA PAGKAIN

Matapos nating masigurong malinis at maayos ang lugar na ating kakainan, pangalawang isinasaalang-alang ng marami ay ang presyo ng mga pagkaing kanilang itinitinda. Kung swak ba ito sa bulsa? Kung worth ba ang gagastusin natin?

Bawat putahe o pagkain, magkakaiba ang presyo. Dahil na rin sa sangkap na ginamit sa paggawa nito. Kung mas maraming sangkap ang ginamit, malamang ay mas mahal ito. Gayundin kung mahal at mahirap hanapin ang ingredients na ginamit sa isang lutuin o putahe.

Pero may mga presyo na masasabing “makatotohanan” at mayroon din namang tila “walang hustisya”. Kumbaga, minahalan lang dahil marami ang nagtutungo roon kahit pa hindi naman kakaiba ang putahe o pagkain.

Importante sa mara­mi ang presyo ng kanilang kakainan. Kaya’t sa mga kainan o restaurant, mainam na gawing makatotohanan ang pres­yo at hindi mo sosobrahan o mamahalan. Mas maraming tatangkilik sa iyong negosyo kung tama lang ang presyo ng iyong itinitinda.

LASA AT MGA IPINAGMAMALAKING PUTAHE

KAINANSiyempre hindi rin puwedeng mawala ang lasa ng pagkain at ma­ging ang kanilang ipinagmamalaking putahe. Bakit nga ba natin dinarayo ang isang kai­nan? Hindi ba’t dahil sa kanilang mga ipinagmamalaking putahe na abot-kaya sa bulsa?

Kaya para kumita at dayuhin ang isang kainan o restaurant, mahalagang may kakaiba o katangi-tanging putahe kang mai-o-offer sa iyong mamimili. Iyong tipong darayuhin ka nila dahil sa putaheng mayroon kayo na hindi nila makikita sa ibang kainang kakompetensiya ninyo.

Masarap nga naman ang dumayo sa isang lugar upang matikman ang kanilang ipinagmamalaking putahe. Gayunpaman, hindi lamang sarap at pagiging abot-kaya sa bulsa ang tini­tingnan ng marami kundi ang hitsura ng lugar, ang pagiging maayos at malinis nito. Dahil kung malinis at maayos ang hitsura ng isang kainan, tiyak ding malinis at maayos ang kanilang serbisyo. (photos from pinkypiggu.com, investingnews.com, oakharborchamber) CT SARIGUMBA

Comments are closed.