ANG inilabas na mga walang basehan at mga imbentong paratang ni Senador Ping Lacson kamakailan laban sa mga kongresista ay nagpapatunay na isa itong “political hatchet job” o politikal na kampanya para sirain ang imahe ng Kamara de Representante sa publiko, ayon kay Deputy Speaker LRay Villafuerte.
“Walang pakundangan si Senador Lacson na maglabas ng mga alegasyon na wala naman palang katotohanan dahil ang talagang agenda n’ya ay sirain ang imahe at reputasyon ng Kamara. Ang tunay na layunin niya ay pagandahin ang imahe ng Senado sa pamamagitan ng pagsira sa Kamara,” sabi pa ni Villafuerte.
Ani Villafuerte, noong una ay ang akala ng mga kapwa niya mambabatas sa Kamara na isang political misunderstanding o hindi pagkakaintindihan lamang ang nangyari sa pagitan ni Lacson at ng Kamara. Pero lumalabas pala ngayon na isa pala itong matinding politikal na kampanya ng paninira o political hatchet job laban sa Kamara bilang isang institusyon at sa mga miyembro nito.
“Gusto kong linawin bilang Deputy Speaker for Finance na ang General Appropriations Blll na inaprubahan ng Kamara nitong nakaraang linggo ay walang bahid ng pork o kahit anong illegal insertions,” dagdag pa ni Villafuerte
Si Deputy Speaker for Internal Affairs Neptali Gonzales II naman ay tiniyak na ang mga miyembro ng Kamara ay laging susunod sa sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na ang 2020 budget ay dapat na walang ‘pork’ o parking ng pondo.
“Libreng-libre naman na kilatisin ni Sen. Lacson ang GAB para makita niya na ang inaprubahan namin sa Kamara ay isang badyet na sumusuporta sa mga programa ng Pangulong Duterte na palaguin ang ekonomiya at pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino (sic),” sabi ni Gonzales.
Ayon naman kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor, wala siyang personal na hinanakit kay Lacson, pero kapag ganyang pinagpipilitan niyang may pork sa budget kahit wala naman, “inaatake na niya hindi lamang ang institusyon ng Kamara kundi ang 300 miyembro nito na kung saan 100, o one-third ay mga neophyte o mga bagong mambabatas.”
“Ang pamunuan at kabuuan ng Kongreso ay nagtrabahong mabuti para maipasa in record time ang budget, pero sa halip na purihin tayo ng ating kapwa mambabatas, inatake pa tayo. Where is the fairness and statesmanship there?” ani Defensor.
Si Capiz Congressman Fredenil Castro naman ay nagsabing “ang buong akala ko ay sa PNP lamang may ninja cops pero meron din pala sa Senado sa katauhan ni Lacson.”
Pinagtawanan lamang ni Castro ang sinabi ni Lacson na may ‘pork’ sa 2020 budget dahil sumulat pa nga raw si Castro sa kanya para humingi ng tulong pinansiyal para sa isang proyekto nito sa Capiz.
Ayon kay Castro, hindi pork barrel ang isang letter request lamang na hindi lang niya kay Lacson pinadala kundi maging sa ibang senador.
“Anong masama sa sulat? Nagpapakita lamang ito na may malasakit ako para sa aking mga constituent. Hindi yan pork barrel,” dagdag pa ni Castro.
Pinaalala ni Castro kay Lacson na si Senate President Vicente Sotto III mismo ang nagsabi sa isang TV interview na hindi pork barrel ang mga proyektong nirekomenda ng mga kongresista sa ilalim ng 2020 budget. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM