HINAY-HINAY SA PAGKAIN NGAYONG HOLIDAY

PAGKAIN-14

(ni CYRILL QUILO)

REUNION, pasyal dito, kain doon. Ito ang madalas na ginagawa ng buong pamilya ngayong holiday season. Matapos ang pagkain ng masasarap na hindi kayang pigilan ang sarili, iba’t ibang sakit naman ang dulot nito sa atin. Nandiyan ang sakit ng kasukasuan, mataas na blood pressure at mataas na sugar level na humahantong sa diabetes.

Sabi nga ang lahat ng sobra ay masama. Pero kung hinay-hinay lang tayo sa pagkain lalo na ngayong holiday ay hindi tayo hahantong sa pagkakasakit tulad ng diabetes.

Ang diabetes ay ang pagkakaroon ng ng mataas na glucose sa dugo. Isa itong sakit kung saan ang ating lapay o pancreas ay hindi na makapag-produce ng sapat na insulin. Hindi ito nagagamot ngunit kayang kontrolin at habang buhay na gamutan.

Tinatayang 108 milyong tao ang nagkasakit nito mula 1980 at umakyat ang bilang hanggang 422 milyon noong 2014. Ito rin ay pangunahing dahilan ng pagkakamatay ng tao na umabot na sa 1.6M dahil sa komplikasyong dulot nito.

Mayroong dalawang klase ng diabetes, ito ay ang diabetes mellitus na may 2 uri; Type 1 (insulin l-dependent) na matatagpuan sa mga bata-bata pa at kinakailangan lang nila ay mag-inject ng insulin. Type 2 (non-insulin-dependent) sa mga medyo may edad na kinakailangn ng tamang disiplina sa pagkain at ehersisyo. Ang iba ay kinakailangan din nilang mag-inject ng insulin at higit sa lahat, magpapayat dahil dumarapo ito sa matataba o obese.

Para sa Type 1 o Type 2 Diabetes ang mga sintomas nito ay ang taas babang blood sugar level, pagiging Ganado sa pagkain, madalas na pag-ihi at madalas na pagkauhaw.

GESTATIONAL DIABETES

Mga 3-5 porsiyento sa mga nagbubuntis ay nakaranas ng ganitong uri ng diabetes. Dahil sa ang buntis ay sadyang matakaw at dalawa silang kumakain, hindi namamalayan na biglang tumataas ang sugar level sa katawan. Bumabalik sa normal naman ang kondisyon ng ina kapag ito ay nakapanganak na basta’t huwag lang pabayaan ang kalusugan.

Ang mga sintomas naman sa Gestational Diabetes ay ang sobrang timbang, madalas na pag-ihi at pagkauhaw, panghihina, kawalan ng gana sa pagkain at pagbaba ng timbang.

HYPERGLYCEMIA

Ito ‘yung kondisyon ng level ng sugar sa dugo na sobrang taas. Nangyayari ito kung ang ating katawan ay may maliit o hindi sapat ang insulin o hindi na masyadong nagre-response ang insulin.

HYPOGYLCEMIA

Ito naman ay sobrang baba ng blood sugar na nagiging komplikasyon ng diabetes. Kung ang isang taong walang diabetes ay na-diagnose na may hypoglycemia, senyales ito ng seryosong problema ng insulin-secreting tumor or liver diseases.

MGA KOMPLIKASYON

Ilan sa mga komplikasyon ng nabanggit na mga sakit ay ang high blood pressure, heart disease, stroke at pagkasira ng bata o kidney. Maaari ring mabulag dahil sa retinal damage, katarata at iba pang sakit sa mata.

Isa rin sa komplikasyon ay ang matagal na pagaling ng sugat, impeksiyon sa balat at tissue. Gayndin ang pamamanhid dahil sa pagkasira ng nerves sa paa.

MGA PUWEDENG GAWING PAG-IINGAT

Para naman maiwasan ang mga naturang sakit, hinay-hinay lang sa pagkain. Iwasan din ang mga mga refined sugar, matatamis, carbs, fats at salt.

Kung mabigat naman ang timbang, kailangang magpapayat. Ugaliin din ang pag-eehersisyo. Ilan sa puwedeng gawign ehersisyo ay ang zumba, jogging, swimming at walking.

Kung may history ng diabetes, magpa-check kaagad.

Ngayong holiday o sa kahit na anong araw pa, hinay-hinay lang nang maiwasan ang iba’t ibang sakit na dulot ng sobrang pagkain. (photos mula sa health.harvard.edu at bitesizedkitchen.com)

Comments are closed.