ILANG araw pa lamang ang nakaraan mula nang magbigay-pugay ang bansa kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa pamamagitan ng paggunita sa anibersaryo ng kanyang kapanganakan noong Nobyembre 27. Ipinanganak si Ninoy noong taong 1932 sa Tarlac, sa isang pamilya na nasa politika, isang pamilya na may malaking impluwensiya sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa kabila ng kanyang uring kinabibilangan, si Ninoy ay lubos na nakaunawa sa malaking pagkakaiba ng uri sa lipunan. Madalas niyang ipahayag noon ang kanyang kahandaang ipaglaban ang mga mahihirap, mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, at mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.
Sa edad na 22 lamang ay nahalal si Ninoy bilang alkalde ng Concepción, Tarlac. Ito na ang simula ng kanyang mahaba at makulay na buhay-politika. Ang kanyang panunungkulan bilang alkalde ay nagsilbing batayan ng kanyang mga sumunod na tungkulin bilang senador at kritiko ng katiwalian sa pamahalaan. Ang paglubog ni Ninoy sa politika ay kinakitaan ng kanyang paninindigan sa demokrasya at karapatang pantao, na kanyang pinagsikapang itaguyod kahit na buhay niya mismo ang kapalit.
Ang pinakamalaking sakripisyo, ang pag-aalay ng kanyang buhay, ay isang bagay na alam ng bawat Pilipino dahil ito ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng ating bansa. Bilang mga Pilipino, nasa ating puso ang pangyayaring ito.
Matapos ang pagpaslang kay Ninoy noong Agosto 21, 1983, patuloy na pinakikinabangan ng mga Pilipino ang kanyang ipinamana sa atin. Ang mga bagay na kanyang ipinaglaban—demokrasya, pananagutan, at katarungan—ay nananatiling mahalaga hanggang sa panahon ngayon na hinaharap ng bansa ang iba’t ibang hamon.
(Itutuloy…)