HINDI MAGMAMALIW ANG PAMANA NG ISANG BAYANI

(Pagpapatuloy…)

HABANG ang bansa ay kasalukuyang nalulugmok sa mga alitang pampulitika at kaguluhang dulot ng iba’t ibang isyu sa pamahalaan, lalo na­ting dapat alalahanin si Ninoy at ang kanyang naiwang pamana.

Hindi lamang siya isang martir at tagapagtanggol ng demokrasya, isa rin siyang simbolo ng pag-asa at katatagan para sa marami sa atin. Ang kanyang pagtinding para sa katotohanan at katarungan ay nagsisilbing paalala ng kahalagahan ng pakikilahok ng bawat mamamayan at pananagutan ng mga namumuno. At ngayon, habang ang iba’t ibang sektor ng lipunan ay nananawagan para sa katapatan at reporma, ang mga itinuro at ipinakita ni Ninoy ay nasa isip nating lahat.

Sinabi niya noon, “The Filipino is worth dying for.” Patuloy itong nagbibigay sa atin ng inspirasyon upang tumindig laban sa katiwalian at pang-aapi. Sa panahon ng mga hidwaan sa politika, ang ating pagninilay sa mga iniwan ni Ninoy ay nagtutulak din sa atin upang ipaglaban ang demokrasya, magsikap para makamit ang isang makatarungang lipunan, at protektahan ang kalayaan na ating nakuha dahil sa ating tapang at sakripisyo bilang iisang bayan.

Habang patuloy na nagaganap ang ibat ibang nakakabagabag na pangyayari dito sa ating minamahal na Pilipinas, nawa’y patuloy na magbigay inspirasyon si Ninoy sa ating lahat, lalo na sa mga nakababatang henerasyon, upang kanila ring ipaglaban ang katarungan at pagkakapantay-pantay ng lahat.

Mahalaga na magsikap pa tayong lalo upang matiyak na ang mga sakripisyo ng mga bayaning tulad ni Ninoy ay hindi malilimutan at hindi masasayang. Sa pamamagitan ng pag-alaala sa kanyang pamana, maaari tayong magbigay ng inspiras­yon sa bawat isa na alagaan ang ating kalayaan at tiyakin na ang laban para sa katarungan ay magpapatuloy hangga’t kinakailangan.