MAY tugon na sa bantang mapalayas ang mga 100,000 pamilyang hindi makabayad ng upa sa kanilang tinitirahan dahil nawalan sila ng trabaho at kita dulot ng pandemya.
Inihain na sa Kamara ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang kanyang House Bill 7665 na tugon sa naturang banta. Batay sa 2015 ‘census’ ng Philippine Statistics Authority, mga 2.7 milyong pamilya ang nangungupahan lamang sa kanilang tirahan. Tinatayang lumobo na ito sa mga 3.1 milyon ngayong 2020.
“Batay sa aming pasusuri, mga tatlong porsiyento ng mga bagong nawalan ng trabaho, katumbas ng mga 83,000 pamilya, ang nanganganib na mapalayas sa kanilang inuupahan dahil hindi makabayad ng upa, sa kabila ng laang ayuda sa kanila sa ilalim ng mga Bayanihang Act,” puna ng ekonomistang mambabatas.
Ayon kay Salceda ang HB 7665, o panukalang ‘Rent Relief Act of 2020,’ ay nagtatalaga ng tatlong buwang ‘moratorium’ sa pagpapalayas upang magkaroon ng sapat na panahong makapag-usap at magkasundo ang mga nagpapaupa at umuupa sa makabuluhan at patas na lunas sa problema nila.
“Maganda paluwag na panahon sa pagbayad ng upa sa ilalim ng Bayanihan Act, ngunit dahil minsan ay natatagalan ang tao na makapasok sa bagong trabaho o pagkakakitaan, may bantang panganib na mapalayas pa rin sila kung hindi sila makabayad agad. Hindi sapat basta ang pagpapaliban ng bayad dahil may pangangailangan din ang nagpapaupa na ang marami ay mga retirado na,” paliwanag ni Salceda.
Inaatasan ng HB 7665 ang SSS (Social Security System), GSIS (Government Service Insurance System) at Pag-Ibig Fund na magbigay ng ‘refinancing loans’ sa kanilang mga kasapi sa kaunting interes lamang. Inaatasan din nito ang Land Bank at Development Bank of the Philippines na magbigay ng ‘refinancing loans’ na may interes na hindi tataas sa pinakamababang bigay nila.
Sa ilalim ng ‘refinancing’ sa upa, babayaran ng bangko ang halaga ng upa sa takdang bilang ng buwan at bibigyang ang nangungutang ng higit na mahabang panahon para bayaran ito. “Para sa naturang mga pamilya, ang higit na mahabang panahon ng pagbabayad ng nautang nila ay mahalaga at makakatulong din sa kanila para makapasok sa trabahong pagkakakitaan,” paliwanag ni Salceda.
Itinatalaga din ng HB 7665 na ang ‘promissory notes’ o mga nakasulat na pangakong magbababayad ang nangungutang dapat pagbigyan ng mga pampamahalaang ahensiya sa pananalapi at ang halagang nakasaad na babayaran ay maaaring gawing pautang ng naturang ahensiya para hindi mapalayas sa tinitirahan ang umuupang nangungutang.
Para mabigyan ng sapat na panahon ang mga sasali sa mga programang nakatakda sa bill, iniuutos din nito ang tatlong buwang ‘eviction moratorium’ upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga ahensiyang naatasan upang maisaayos ang kanilang programa sa pagpapautang.
Iniaatas din ng bill sa Department of Human Settlements and Urban Development na magtatag ng mga ‘rental assistance centers’ para tulungang magkasundo ang mga nagpapaupa at umuupa, at mabigyan sila ng tamang impormasyon kaugnay sa mga programang naturan at kung alin at saan ang kanilang pipiliin.
“Bagama’t mahalaga ang paluwag na panahong laan sa ilalim ng Bayanihan Act para mapahaba ang pagbabayad ng upa sa mga susunod na mga buwan, walang saysay din ito sa mga taong nawala ang lahat na pinagkakakitaan. Hindi rin makakatulong ang naturang paluwag sa mga nagpapaupa na ang marami ay mga retirado, upang panatilihing maayos ang pinauupahan nila, Kapag naganap ito, lugi pareho ang umuupa at nagpapaupa,” dagdag ng mambabatas.
Comments are closed.