HINILING ng Commission on Elections (Comelec) sa Department of Budget and Management (DBM) na pagkalooban ito ng P24 bilyong budget upang maisulong ang tinatawag na hybrid elections sa 2022 presidential polls.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, ang malaking pondong kakailanganin ng komisyon ay gagastusin para sa mga karagdagang bagong vote counting machines (VCMs) at iba pang essential equipment para sa naturang halalan.
Paliwanag ng opis¬yal, hindi maaaring gamitin ang lumang VCM sa hybrid elections dahil kakailanganing bumili ng bagong makina na may mas malaking screen at mataas na resolution upang maipakita ang boto.
Naiprisinta na, aniya, ang hinihinging pondo sa DBM na gagamitin sa mga bagong makina at dagdag pa rito ang P2.5 billion para sa projectors and barcodes, para sa kabuuang ₱26-B.
Paliwanag pa ni Casquejo, ang pagbibilang ng boto sa hybrid elections concept ay katulad din sa mga nakararaang automated elections ngunit gagamitin ang lotto-type markings.
Ito ay ihuhulog sa balota at ilalabas naman ng VCM ang resibo na may bar code at sa sandaling matapos ang botohan, maglalagay ang electoral board ng monitor at projector sa mga clustered precinct para masaksihan ng publiko ang bilangan.
Ayon kay Casquejo, hinihintay na lamang nila ang sagot ng DBM kung mailalaan ang P24 bilyong budget para sa hybrid elections. PAUL ROLDAN
Comments are closed.