HINILING PARA SA CONSTRUCTION INDUSTRY: DAGDAG-SAHOD SA MGA OBRERO

Alan Tanjusay

UPANG mahikayat ang mga manggagawa sa industriya ng konstruksiyon, iminungkahi ng isang labor group na taasan ang sahod at bigyan ng mga mas kaakit-akit na benepisyo ang mga ito.

Pahayag ito ni Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokes-person Alan Tanjusay  kasunod ng binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na kulang  ang mga mang­gagawa sa construction industry dahilan para maantala ang ilang proyekto sa ilalim ng Build Build Build.

“Itong ‘Build, Build, Build’ medyo atrasado. Walang trabahante,” ayon sa Pangulo  sa  kanyang talumpati.

Ayon pa kay Duterte,  karamihan ng mga dapat na nagtatrabaho sa lokal na industriya ay nangingibang-bansa.

Himok naman ni  Tanjusay na kahit kaunti lamang  na pagtaas  mula sa minimum na sahod   ay  puwede na  para maakit ang mga construction worker na magtrabaho  na lang sa Filipinas at hindi na mangibang bansa.

Giit din  nito ay bigyan ng mga magandang pasilidad ang mga construction worker tulad ng maayos at malinis na barracks o iyong mga gusaling tinutuluyan.

Mismong ang Department of Labor and Employment at Department of Budget and Management ang nagpahayag  na  tinatayang 200,000 mang­gagawa sa construction ang kailangan pang mapunan.

Kabilang sa mga bakanteng trabaho sa industriya ay leadman, foreman, carpenters, riggers, masons, steel men, plumbers, scaf-folders, surveyors, at spotters.

Nangangailangan din  ng hydraulic operators, sheet filing operators, vibro machine operators, at heavy equipment mechanics operator.

Base sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority noong 2016, tumaas na ang sahod ng mga mang­gagawa sa konstruksiyon, na  umaabot na sa pinakamataas na P1,500 kada araw  at ang pinakamababa ay P450 kada araw.         VERLIN RUIZ

Comments are closed.