(Hiniling sa NEDA na palakasin) PANTAWID TRABAHO SA KABATAAN

HINIKAYAT ni Senadora Risa Hontiveros ang National Economic Development Authority (NEDA) na dagdagan ang pondo para sa youth apprenticeship program upang makatulong na maibalik ang kabataan sa eskwelahan at trabaho sa gitna ng limitadong oportunidad dahil sa economic recession.

“Maraming mga kabataang edad 15 hanggang 24 ang walang trabaho o hindi pumapasok sa eskwela. Mula 39,000 lang noong July 2020 ay umakyat ito sa 925,000 nitong July 2021. Inaasahang dadami pa ito. Kailangan ng pantawid-tulong habang wala pa silang nakikitang permanenteng trabaho,” sabi ni Hontiveros.

“Dapat mag-invest sa mga programa gaya ng Jobstart program para magbigay ng tulong at pantawid trabaho para sa mga kabataang matatapos ng K-12 pero mahihirapang makahanap ng trabaho,” dagdag pa niya sa ginanap na budget deliberations sa NEDA.

Ang Jobstart program, sa pakikipagpartner ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Asian Development Bank (ADB), ay nagbibigay ng suportang pinansiyal sa mga kompanyang magsasanay ng mga underprivileged youth para magkaroon ng mga partikular na skill set na makatutulong din sa kompanya o industriya. Pinaiikli rin nito ang transition mula sa pag-aaral patungo sa trabaho.

“Pantawid ito mula eskwela papuntang trabaho. May assured na six months na suweldo habang nasa ‘training’ ka sa potential employer mo. Kailangan ng mas malaking suporta mula sa gobyerno para mapalawak pa ang programang ito at ma-accommodate ang mas maraming kabataan na nangangailangan,” diin ni Hontiveros.

Iminungkahi rin ni Hontiveros na samantalahin ang pag-unlad ng information technology-business process outsourcing (IT-BPO) at ang kasanayan ng mga kabataan sa paggamit ng makabagong teknolohiya para magbukas ng mas maraming oportunidad.

“Magandang mag-invest sa IT-BPO industry kung saan puwedeng pumasok bilang apprentice ang mga kabataang makakatapos ng K-12. Isa ang industriyang ito na lalong lumakas nitong pandemic, at swak din sa competencies ng mga kabataan na karamihan ay digital natives na rin,” ani Hontiveros.  VICKY CERVALES