HINDI iuurong ng mga transport group ang kanilang petisyon na dagdag-pasahe sa jeepney.
Ayon kay Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda, isa sa mga grupong naghain ng petisyon, mananatili ang hirit nilang gawing P12 ang minimum na pasahe hanggang hindi ibinibigay ng pamahalaan ang ipinangako nitong fuel subsidy sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan.
“Sa petisyon ay nakaparada lang muna, hindi muna namin puwedeng iatras ‘yan, hindi muna puwedeng galawin,” sabi ni Martin.
Magugunitang nitong Oktubre ay humiling ang mga transport group ng P3 dagdag sa pasahe sa jeepney bunsod ng sunod-sunod na pagtataas sa presyo ng petrolyo.
Samantala, nanawagan ang mga driver at operator ng taxi na maisama sila sa listahan ng mga makatatanggap ng fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Matatandaang inaprubahan ng gobyerno ang pamimigay ng P1 bilyong halaga ng fuel subsidy sa mga driver ng pampublikong sasakyan.
Sinabi ni Philippine National Taxi Operators Association president Bong Suntay na nagtataka sila kung bakit hindi naisama ang ibang mode ng public transportation sa subsidy na ibibigay ng gobyerno gayong karamihan sa mga taxi driver ay gumagamit din ng gasolina o LPG na sabay nagtaas ng presyo
Dagdag pa ni Suntay, patuloy na naaapektuhan ang operasyon ng mga taxi buhat noong lockdown, curfew at limitadong curfew hours. May mga operator na rin, aniya, ang nagsisibitawan ng prangkisa dahil nalulugi na sila.