INIHIRIT ng ilang manggagawa ang kanilang pagnanais na bumalik sa work from home o hybrid setup upa ng makatipid sa harap ng nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo.
Kabilang sa nananawagan ang mga nasa Business Process Outsourcing (BPO) na idinadahilan ang lumalaki nilang gastos sa pasahe kada araw.
Aminado si BPO Industry Employees Network spokesperson Mylene Caballona na halos lahat ng kanilang kasamahan ay nag-resign upang maghanap ng mga permanenteng work-from-home set-up.
Dapat anyang magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng mga employer at ng mga empleyado sa isyu ng hybrid setup, lalo para sa mga hindi talaga kinakaya ang magastos na pagko-commute araw-araw.
Samantala, hinimok ni Labor Secretary Benny Laguesma ang mga employer na gamitin ang batas sa telecommuting, na isa rin sa solusyon upang mabawasan ang muling bumibigat na daloy ng trapiko.
Dapat din aniyang magkaroon ng malinaw na kasunduan sa pagitan ng mga employer at ng mga empleyado sa nasabing isyu upang matiyak na magiging balanse ang interes ng mga negosyo at kapakanan ng mga manggagawa.
DWIZ 882