HOARDING, PROFITEERING ISAMA SA ANTI-AGRI SMUGGLING LAW – JV

SA GITNA ng pagsirit sa presyo ng sibuyas at iba pang produktong pang-agrikultura, nagpanukala si Senate Deputy Majority Leader Senator Joseph Victor “JV” Ejercito ng mga pagbabago sa Republic Act No. (RA) 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 upang paigtingin pa ito laban sa smuggling.

“Nais talaga nating bantayan at pangalagaan ang ating mga magsasaka, ang mga konsyumer at ang sektor ng agrikultura nang tuluyan na nating makamit ang food security sa bansa,” sabi ng mambabatas sa explanatory note ng kanyang panukalang batas.

“Nasa pinakamataas na ang presyo ng sibuyas sa kasaysayan; umabot pa nga sa P700 kada kilo, na lalo pang pinalala ng mga balita tungkol sa smuggling at pagmamanipula sa presyo nito,” ayon sa senador.

Sa ilalim ng panukalang batas, bukod sa smuggling, ang hoarding, profiteering at mga kartel sa asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, isda at mga gulay na mahigit sa isang milyong piso, o ang pagpupuslit ng bigas na nagkakahalaga ng sampung milyong piso, ay ituturing na economic sabotage.

Ayon sa Senate Bill No. 1688, papatawan ng parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa 17 taon ang mapatutunayan sa salang hoarding, profiteering, at mga kartel na sangkot sa pagpupuslit ng produktong agrikultura, bukod pa sa multang doble sa halaga ng mga produktong kabilang sa ikinakaso sa mga nasasakdal sa nasabing pagkakasala.

Samantala, ang kabuuang halaga ng mga buwis, at iba pang mga singil na hindi naibayad ay ipapataw sa mga opisyal ng mga dummy corporation, mga non-government organization, mga asosasyon, mga kooperatiba, o mga single proprietorship na magbebenta, magpapahiram, magbibigay ng kapahintulutan, o papayag sa hindi awtorisadong paggamit ng kanilang mga permit sa pag-aangkat na magreresulta sa profiteering, hoarding at pagkakartel.

Ayon pa kay Ejercito, “ang kahirapang makasabay ng bansa sa ibang mga bansa sa usapin ng food security ay maaaninag sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at sa kakulangan ng supply ng mga ito sa merkado.”

“Kahit si Pangulong Bongbong Marcos ay inamin ang malawakang smuggling noong siya ay manawagan para sa reporma sa burukrasya upang pigilan ang nasabing smuggling.”

Sa pinakahuling bersyon ng Global Food Security Index, nalagay sa ika-64 na baitang ang Pilipinas sa 113 mga bansa sa apat na batayan ng food security: ang food availability, food accessibility, food utilization, at stability.

Samantala, hangad ni Senador Lito Lapid sa kanyang SB No. 1812 na amyendahan ang parehong anti-agri smuggling law para isali ang tabako at sigarilyo sa listahan kung saan kasali ang mga pangunahing pagkain tulad ng bigas, sibuyas, asukal, karne, at iba pa.