HOLIDAY CELEB PINALILIMITAHAN (Banta ng COVID-19 nananatili-DOH)

Francisco Duque III

PINAYUHAN ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga Pinoy na ipagpaliban ang kanilang biyahe sa mga lalawigan ngayong Holiday season, kasabay ng paalala na nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kahit pa unti-unti nang pinaluluwag ang restrictions sa bansa.

Ayon kay Duque, dapat na limitahan muna ng publiko ang kanilang mga selebrasyon sa mga “low-risk” activities upang maiwasan na mahawahan ng virus.

Anang kalihim, mas maganda kung ang holiday celebrations ay gawin lamang sa bahay, kasama ang pamilya.

Maaari rin aniyang makiisa sa pagdiriwang ang mga kaanak na nasa malayong lugar at ibayong dagat, sa pamamagitan ng online platforms.

Mas maganda rin kung sa online mass na lamang din dadalo upang makaiwas sa matataong lugar.

Payo pa ni Duque, iwasan ang mga lugat na kulob o hindi sapat ang bentilasyon.

“‘Yung lahat pong ito ay dapat mataas po sa ating kamalayan para lumayo po tayo sa peligro at maging ligtas po ang pag-diriwang ng ating Pasko at Bagong Taon,” aniya pa.

“‘Wag po tayong pasaway dahil may kasabihan [na] nasa bandang huli po ang pagsisisi,” paalala pa ng kalihim. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.