HOLIDAY PERO KAILANGANG MAGTRABAHO?

TRABAHO

Simpleng tips para makapag-focus sa ginagawa

(ni CS SALUD)

SABIHIN mang marami ang nagsasaya kapag holiday, nagtutungo sa iba’t ibang lugar kasama ang pami-lya, may ilan pa ring n ananatili sa opisina o ginagampanan ang kanilang trabaho. May mga tao o empleyado rin kasing kahit na holiday ay kailangan nilang magtrabaho.

Hindi nga naman maiiwasang may ilan sa atin na imbes na magsaya kasama ang kanilang pamilya ay nasa opisina at ginagampanan ang nakaatang sa kanilang trabaho. Imbes na sa bahay mag-holiday, sa trabaho nila ito ginagawa dahil nga sa hindi nila maaa­ring iwanan ang kanilang mga gawain. Ilan sa mga indibiduwal na nagtatrabaho kahit na holiday ay ang mga doktor at nurse, police at media.

Kung minsan, nakalulungkot na sa kabila ng pagsasaya ng marami, may ilang nagtatrabaho. Gayunpaman, iba-iba ang klase ng trabahong mayroon ang bawat isa sa atin. Ibig sabihin, iba-iba rin ang demand ng trabahong mayroon tayo.

Nakalulungkot kung iisipin natin na nagtatrabaho tayo kapag holiday. Pero imbes na malungkot,  marami pa rin naman tayong puwedeng gawin nang makabawi sa pamilya at sa sarili. Halimbawa ay ang pagsi-celebrate nang mas maaga o kaya naman nang mas late. Puwede rin namang sa opisina ninyo gawin ang pagdiriwang.

At dahil hindi talaga maiiwasan ang pagtatrabaho kahit na holiday, narito ang ilan sa mga simpleng paraan na puwede nating subukan nang maka-pag-focus tayo sa ating ginagawa:

AYUSIN AT PLANUHIN ANG MGA GAGAWIN SA BUONG ARAW

Kapag alam nating nagsasaya ang iba, hindi maiwasang makaramdam tayo ng lungkot. Gayundin ng inggit. Masarap nga rin naman kasing mag-relax kagaya ng iba. Ang magtungo sa iba’t ibang lugar na walang pinoproblema o iniisip na trabaho. At sa mga isiping iyon, talagang bukod sa lungkot ang yumayakap sa ating mga puso ay nadaragdagan pa ito ng kawalan ng focus.

Para hindi maapektuhan ang pagtatrabaho, ayusin at planuhin ang mga gagawin sa buong araw. Ilista ang mga gagawin. Unang ilagay sa listahan ang mga pinakaimportanteng gawin o kailangang unahin. Ihuli naman sa listahan ang mga bagay na puwedeng ipagpalibang tapusin.

Maging makatotohanan din sa gagawing listahan ng mga nakaatang na gawain.

IWASAN ANG MULTITASKING

Mahilig ang marami sa ating pagsabay-sabayin ang trabaho para matapos kaagad ang mga ito. Pero isa ang multitasking sa dapat nating iwasan, holiday man o hindi nang ‘di maapektuhan ang performance o quality ng trabaho.

Mas mainam at makapagpo-focus ng mabuti kung isa-isang tatapusin ang mga gawain.

SIMULAN ANG GAWAIN NG  MALINAW ANG PAG-IISIP

Makatutulong din upang magawa ng maayos ang trabaho kung sisimulan ito ng malinaw ang pag-iisip. Kumbaga, iwa­nan muna sa bahay ang mga alalahanin at mag-focus sa trabaho. Mas matatapos din kaagad ang bawat gawain kung nasi­mulan ito ng mas maaga.

UMIWAS SA MGA DISTRACTION HABANG NAGTATRABAHO

Hindi na nga naman maiiwasan sa panahon ngayon ang paghawak sa cellphone. May ilan na halos mino-minuto kung tingnan ang cellphone o gadget. Sa maya’t mayang pagtingin sa cellphone ay maaari itong maging sanhi ng hindi pagkakatapos kaagad ng nakaatang na gawain.

Iwasan muna ang cellphone o social media nang hindi ma-distract sa ginagawa.

GAWIN ANG TRABAHO NANG MAY NGITI SA LABI

Mainam din kung gagawin ang bawat trabaho o gawain nang may ngiti sa labi. Oo, hindi nga naman madaling magtrabaho ng maayos kung alam na­ting ang ilan sa mga ka­kilala o kapamilya natin ay nagsasaya. Gayunpaman, huwag magpapadala sa lungkot. Bagkus ay gawin ang mga nakaatang na gawain nang may ngiti sa mga labi.

AYUSIN O PAGANDAHIN ANG LUGAR NA PINAGTATRABAHUAN

Makatutulong din upang makapag-focus o ganahan tayong magtrabaho kung maayos at maganda ang lugar na ating pinagtatrabahuan—gaya na lamang ng ating mga cubicle o lamesa.

Kaya naman, gawing organisado ang lamesa. Tanggalan ng mga kalat. Maaari ring maglagay ng mga dekorasyong nakapagpapagaan ng pakiramdam at nakapagdudulot ng saya sa puso.

Iwasan ang makalat na lugar o lamesa dahil magiging dahilan lang ito upang tamarin kang magtrabaho.

MAGING POSITIBO

Panatilihin din ang positibong pananaw at pagtingin sa mga bagay-bagay. Tanggapin din ang fact na hindi ka kagaya ng ibang taong ‘di nagtatrabaho kapag holiday.

Kumbaga, kanya-kanya ang obligasyong mayroon ang bawat nilalang sa mundo. At kung ang nakapatong na obligasyon sa iyo ay ang magtrabaho kahit na holiday, tanggapin ito at gampanan ng maayos. Sa ganitong pa­raan, mas mapadadali ang bawat gawain at makapagpo-focus ka.

ALAGAAN ANG SARILI

Mas magiging produktibo rin tayo kung malusog ang ating kabuuan gayundin ang ating isipan. Kaya naman, sa araw-araw ay ugaliin ang pagkain ng masusustansiyang pagkain. Gumawa rin ng paraang makapag-ehersisyo gaano man kayo kaabala.

Nakatatamad ang magtrabaho lalo na kapag holiday. Pero dahil hindi naman natin maiiwasang magtrabaho lalo na kung hinihingi ito ng pagkakataon, mas mabuting gawin ng maayos ang bawat gawain at simulan ng mas maaga. Higit sa lahat, subukan ang mga paraang ibinahagi namin sa inyo nang makapag-focus sa trabaho. (photos mula sa jobs.workingsolutions, usatoday, stopcoloncancernow)

Comments are closed.