HOLLOW BLOCKS DAPAT MAY MANDATORY CERTIFICATION – DTI CHIEF

Trade Secretary Ramon Lopez-6

NAGKAROON ng deliberasyon ang miyembro ng gabinete tungkol sa impact ng katatapos na sunod-sunod na pag­lindol at sa mga alituntunin para sa pagsulong.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, isa sa mga alalahanin na inilahad ni President Rodrigo Duterte sa nakaraang Cabinet meeting ay ang kalidad ng hollow blocks, at idiniin na may maliliit na hollow block makers ang malamang na hindi sumusunod sa pamantayan at espesipikasyon na kailangan sa prooduksiyon.

Bagama’t siniguro ni Sec. Lopez ang pamantayan ng bakal at semento sa mga kahalintulad nito, nagbigay ng mandato si Presidente na isama sa listahan ang hollow blocks sa mga produkto na may mandatory certification dahil ito ay hindi pa kasama sa certification schemes na isinagawa ng DTI-Bureau of Philippine Standards.

Kasabay nito, nag-order si Presidente sa lahat ng local government units (LGUs) at contractors na siguruhin ang lahat ng construction materials na ginagamit sa lahat ng kons­truksiyon ay dapat pumasa sa quality standards. Kung malaman na sila ay gumagamit ng mababang klase ng construction materials at hindi sumusunod sa mga espisipikasyon ng Building Code gayundin sa structural design, tatanggalan ng lisensiya ang mga contractor. Gayundin, ang mga kontraktor ng gobyerno na gumagamit ng hindi sertipikadong materyales ay hindi babayaran at tatapusin agad ang kontrata.

“The quality of any building structure depends not only on the product standards, but also on the quality of the construction job, particularly on adherence to approved structural design and the Building Code, required steel density, cement mixtures, among others,” sabi ni Sec. Lopez.

Siniguro ng DTI ang standard compliance ng mga produkto sa ilalim ng mandatory certification list tulad ng semento, bakal, pako at salamin (baga-ma’t ang pagsasama ng salamin sa listahan ay kasalukuyang nasa court injunction).

Sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Duterte naghigpit ang DTI sa products’ certification at proseso.  Maliban sa PS accreditation ng manufacturing plant, ang mga produkto ay tetestingin din sa planta. Para sa imported steel o semento, ito ay na-test na sa pre-shipment at post-shipment.  Ang sampling size para sa  testing ay tinaasan din ng higit sa 15 beses.

Marami pang produkto ang pinag-aaralan ngayon na maisama sa listahan ng may mandatory certification tulad ng plywood, roofing, at tiles.

Comments are closed.