PAGKAIN, iyan ang isa sa nakapagpapangiti sa marami sa atin. Hindi nga naman tayo mabubuhay kung walang pagkain. Kapag masama ang loob natin, kung minsan ay ibinubunton natin sa pagkain ng masarap. At kapag nasayaran na nga ng katakam-takam na pagkain ang ating lalamunan, kasabay nito ang pagkawala ng inis o lungkot na ating nadarama.
Isa ang buntis sa sinasabi ng ilan na mahirap pakainin dahil nga sa kung ano-anong pagkain ang hinahanap. Ayon pa sa iba, kaartehan lang daw ng buntis ang paghahanap ng kung ano-anong putahe. Ang ilan naman, iniisip na pinahihirapan lamang ang kani-kanilang asawa sa pagpapahanap ng kung ano-anong pagkain.
Para naman sa akin, hindi ito pagpapahirap o kaartehan lalo na’t nasubukan o pinagdaanan ko ang ganitong pakiramdam nang magbuntis ako.
Totoong naghahanap ang mga buntis ng kung ano-anong pagkain o lasa. Dumarating kasi iyong pagkakataon o panahon na may hinahanap kang lasa na kapag hindi mo natikman, maiinis ka. At mawawala lang din ang inis kapag nasayaran ng hinahanap na pagkain ang iyong lalamunan.
Ang paghahanap ng kung ano-anong pagkain ay hindi naman sinasadya ng mga buntis. Hindi lang talaga mapigil. Kumbaga, nangyayari kahit na ayaw mo.
Isa sa kinahiligan ko noong buntis nga ako ay ang Beef Tapa. Walang katapusang Beef Tapa kaya’t sabi ng ilang kakilala, baka raw umitim ang anak ko.
Halos hindi ko ito pinagsasawaang kainin. Maya’t maya ay ito ang hinahanap-hanap ng aking panlasa. Kahit na araw-arawin ko o minu-minuto ko itong kinakain, ‘di ko pa rin magawang magsawa.
Kakaiba nga naman kasi ang sarap ng Beef Tapa. Madalas din itong mabibili sa mga restaurant o carenderia sa abot-kayang halaga.
Maraming Filipino ang kinahihiligan ang tapa kaya’t kaysa nga naman bumili sa labas o magpa-deliver, bakit hindi na lang subukan ang paggawa nito.
May iba’t ibang klase o bersiyon ang paggawa ng tapa depende sa panlasa ng gumagawa nito.
Madali lang naman ding lutuin ang tapa at sobrang linamnam nito kaya’t maraming Pinoy ang nahihilig dito.
At isa nga sa paraan upang lalong lumabas ang angking linamnam ng beef tapa ay ang ginagamit sa pagma-marinade. Para nga naman manuot ang lasa ng beef tapa, ibinababad ito sa mga sangkap na nagbibigay ng sarap dito. Kung mas matagal din ang pagkakababad ng beef tapa, mas lalo rin itong sumasarap.
Dahil isa ang Beef Tapa sa bukod sa kinahihiligan ng marami at napakasimple lang ding lutuin, sa mga gusto itong subukan, ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang sumusunod:
Beef tapa
Toyo
Oyster Sauce
Asukal
Asin at paminta para pampalasa
Mantika
Tubig
PARAAN NG PAGLULUTO
Ihanda ang mga kakailanganing sangkap. Pagkatapos ay pagsamahin sa isang lalagyan ang lahat ng mga sangkap kagaya na lang ng baka, toyo, oyster sauce, asukal at asin at paminta.
Haluin ito hanggang sa pumantay ang kulay at lasa. Maaari itong ibabad ng 30 minuto. Puwede rin namang overnight.
Kapag nanuot na ang lasa sa karne, maghanda na ng lutuan o kawali. Lagyan ito ng tubig at isama na roon ang ibinabad na karne ng baka. Isama rin pati ang pinagbabaran nito.
Pakuluan ito hanggang sa lumambot nang lumambot ang baka. Kapag natuyo na ang sabaw at lumambot na ang baka, lagyan na ito ng kaunting mantika saka iprito. Hinaan lamang ang apoy.
Ganoon lang kasimple, mayroon ka nang maihahandang putahe o ulam sa iyong pamilya.
Talagang mabubusog ka sa beef tapa lalo na kung may kapares itong itlog at sinangag.
Kaya kung may salo-salo ang buong pamilya, subukan ang pagluluto ng Beef Tapa at tiyak na isa ang putaheng ito sa magiging paborito ninyo.
Puwede ka rin namang gumawa ng sarili mong bersiyon nito.
Oo, sabihin na nating napakahirap ang mag-isip ng iluluto sa pamilya lalo na kung araw-araw natin itong ginagawa. Gayunpaman, kung magiging madiskarte tayo, makaiisip tayo ng mga putaheng bukod sa swak sa panlasa ng ating pamilya, swak din sa bulsa. CS SALUD
Comments are closed.