WALANG dapat na ipag-alala ang sambayanan kahit pa patuloy pa rin ang nararanasang pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil kasama natin ang Panginoong Hesus.
Ito ang tiniyak ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa mga deboto nang pangunahan ang unang banal na misa kahapon para sa pista ng Itim na Poong Nazareno.
“Ang Poong Nazareno ay ang pag-ibig ng Diyos. Ang ating Panginoon [ay] nakikiisa sa ating kalagayan lalong-lalo na po ngayon na mas naging mahirap ang buhay dahil sa pandemya. Maraming nawalan ng trabaho, maraming nakakulong lamang sa ating mga bahay, ating mga barrio, mga barangay, ngunit alam natin nandiyan ang Diyos, nakikiisa sa atin,” ani Pabillo sa kaniyang homiliya.
“[Siya] ay nakikiisa sa ating kalagayan. ‘Di lingid sa kanya ang krus dala dala niya, nadadapa siya dahil sa krus ngunit kasama natin siya. Anumang krus ang meron tayo sa ating buhay, ilagay natin doon si Hesus kaya ipagdasal natin, isama natin sa pag-aalay sa kanya lalung-lalo na sa banal na misa at tayong lahat ay mapapabanal,” aniya pa.
Ayon kay Pabillo, walang sinuman sa atin ang nakaisip kailanman na magkakaroon ng ganitong pandemya at sa isang iglap at magbabago ang takbo ng ating mga buhay.
Gayunman, naririto aniya si Hesus at tinitiyak sa atin na nandito pa rin siya at kasama at nakikiisa sa atin.
“Iba na ngayon ang pahayag ng ating paglapit sa kanya, ‘di na sa traslacion. Ngunit ang paglapit sa kanya sa pamamagitan nitong ginagawa natin, in a way, ‘yun po ay isang paraan din na pinapakita sa atin ng Panginooon na makalalapit tayo sa kanya sa pamamagitan ng kanyang salita,” anang obispo.
Matatandaang una nang kinansela ng simbahan at ng lokal na pamahalaan ang pagdaraos ng tradisyunal na Traslacion o prusisyon para sa Nazareno ngayong taon dahil sa nararanasang pandemya, gayundin ang nakaugaliang pahalik.
Hinikayat naman ni Manila Mayor Isko Moreno at Quiapo Church Rector Msgr. Hernando Coronel ang mga deboto na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at lumahok sa mga online Masses upang makaiwas sa posibleng hawahan ng virus.
Sinabi naman ni Pabillo na kahit wala mismo sa mga simbahan ang mga deboto ay maaari pa ring silang magdasal at lumapit sa Panginoon.
“Kahit di tayo physically present dito ngayon, sa ating pagdadasal sa ating mga tahanan, sa ating mga bahay, sa online connection lang, lumalapit tayo sa Diyos at lumalapit tayo kay Hesus – ang pag ibig ng Diyos sa atin,” aniya pa.
Tanging 400 katao lamang ang pinapayagang makapasok sa simbahan para makinig ng banal na misa habang ang mga hindi makakapasok sa simbahan ay maaaring makinig sa banal na misa sa pamamagitan ng 12 LED screens na nakalagay sa paligid ng simbahan.
Sa kanyang panig, pinaalalahanan naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang mga deboto hinggil sa ating sariling traslacion o paglalakbay.
“Our life is a call. God is calling us to be with Him, to experience His goodness, and to share Him with others. Our traslacion is all about our passage or transfer from this life to Heaven as we answer His call. We translate His words to our own actions. We transcribe His works into our hearts. We transfer what we are and who we are into His ways and will,” aniya.
“Our traslacion in this life entails sacrifices and sufferings, like our Hesus Nazareno. We also have to accept and carry our cross. We could also be blackened, bruised, and battered. Now, COVID-19 is our present cross. Living under the difficult and devastating time of coronavirus is our way of the cross. But we know, along our way of the cross, with our traslacion that God is here for us. Yes, God is with us. God accompanies us. God sustains us whenever we fall. God strengthens us. God indeed saves,” dagdag pa ng obispo.
Umapela si Santos sa mga mananampalataya na huwag matakot at mabahala dahil kontrolado ng Panginoon ang sitwasyon.
Aniya, lilipas rin ang krisis na nararanasan natin sa ngayon at maipagpapatuloy natin ang ating buhay.
“Do not be afraid. Do not be disturbed. God is in control. We will pass this crisis. We will move on. With God watching us and working wonders in our lives, we will surpass all these hardships,” aniya pa.
Ang pista ng Nazareno ngayong taon, na may temang “Huwag Kang Matakot, si Hesus Ito,” ay inobserbahan sa may 14 o higit pang parokya sa buong bansa, sa pamamagitan ng mga banal na misa at motorcades. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.