HONORARIA, BENEPISYO NG POLL WORKERS  ‘DI KAKALTASAN NG BUWIS

SEN GATCHALIAN

HINDI  na makakaltasan ng buwis ang honoraria, transportation allowance at iba pang benepisyo na ibinibigay sa  poll workers sa pa­nahon ng halalan  katulad ng mga guro.

Ayon kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian, nakatakdang amyendahan ang Senate Bill No. 1193 ang National Internal Revenue Code of 1997 upang matanggap ng poll workers ang kabuuang halaga ng kanilang honoraria at iba pang benepisyo  sa eleksiyon.

Nagsimulang kaltasan ng 5% withholding tax ang  election service honoraria at iba pang allowances mula noong 2018 barangay elections.

Giit ni Gatchalian, isang mahusay na pamamaraan ang panukala upang pasalamatan ang mga guro at iba pang poll workers na  silang mga tumitiyak na malinis, tapat at maayos ang halalan sa bansa, bukod pa  ay nala­lagay sa peligro ang kanilang buhay.

Sa ilalim ng Election Service Reform Act (ESRA),  ang chairperson ng election board ay makatatanggap ng P6,000  habang   P5,000 sa kada mi­yembro, P4,000 bawat isa sa supervisor ng Department of Education habang may  P1,000 travel allowance naman kada poll workers.

Iginiit ng  senador  na sa kabila ng patuloy na pagserbisyo ng poll woreks, kaila­ngan pa nilang magbayad ng income tax kung ang kanilang  taunang kita, kasama ang  honoraria at allowance ay lalampas ng P250,000 threshold na itinakda ng   Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Mahabang oras ang inilalaan ng mga guro upang siguruhin ang kaayusan at integridad ng ating mga halalan. Kaya naman inihain natin itong panu-kalang batas na ito upang kilalanin ang kanilang mahalagang papel para pangalagaan ang ating demokrasya,” giit ni Gatchalian.