‘HOSTAGE ME’ NG MAYORAL CANDIDATE SA MARILAO

andre santos

BULACAN – NABULABOG ang residente ng Barangay Poblacion II sa Marilao nang i-hostage ni Vice Mayor Andre Santos ang sarili sa kanyang kuwarto sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.

Nagmatigas ang dating bise alkalde kahit pa napaliligiran na ng pulisya ang kanyang tahanan.

Ayon kay PNP Provincial Director, Sr. Supt Chito Bersaluna, isisilbi sana ng pulisya ang warrant of arrest mula sa Parañaque City Regional Trial Court  kay Santos na nahaharap sa kasong qualified theft.

Nagsimulang ikulong ni Santos ang sarili mula nang dumating kahapon ang arresting team ng pulisya.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ni Santos na kumandidatong alkalde noong 2016 elections.

Bagaman may nakikipagnegosasyon, ayaw lumabas sa kanyang bahay si Santos at nakipag-usap na lang sa mga pulis sa pamamagitan ng telepono.

Sa video call ng mga mamamahayag kay Santos, ipinakita nito ang kanyang hawak na baril at granada.

Tiniyak naman ni Marilao Police chief Ricardo Pangan na paiiralin ang maximum tolerance at hindi tumigil sa paghikayat kay Santos na sumuko rin makaraan ang 20 oras na standoff.

Sinabi naman ng pamilya ng dating bise alkalde, dumaranas ito ng depresiyon dulot ng pagkatalo noong nakalipas na eleksiyon.    THONY ARCENAL

Comments are closed.