HOTSHOTS ANGAT SA ELITE

MAGNOLIA HOTSHOTS

Standings:

W        L

TNT                                       6          1

Rain or Shine                      6          1

Alaska                                   5          1

Meralco                               4          2

Magnolia                             3          2

Phoenix                               3          3

GlobalPort                          3          4

Columbian                          3          4

San Miguel                          2          3

NLEX                                   2          5

Barangay Ginebra             1          5

Blackwater                          0          7

 

Mga laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Magnolia vs Blackwater

7 p.m. – San Miguel  vs Columbian

SISIKAPIN ng Magnolia na sumosyo sa Meralco sa ikatlong puwesto sa pakikipagtipan sa wala pang panalong Black-water sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.

Hawak ang 3-2 kartada, haharapin ng Hotshots ang Elite sa unang sultada sa alas-4:30 ng hapon, na susundan ng sagupaan ng Columbian at reigning Philippine Cup champion San Miguel Beer sa alas-7 ng gabi.

Dahil malalim ang bench, pinapaboran ang Magnolia  laban sa Blackwater upang mapantayan ang record ng Meralco ni coach Norman Black.

Sa kabila na outstanding favorite, ayaw pa ring magpakumpiyansa ni coach Chito Victolero at lagi niyang pinaaalalahanan ang kanyang tropa na maglaro nang husto para masiguro ang panalo.

“Maraming nangyayari sa basketball na hindi inaasahan at ayaw kong mangyari sa akin. I reminded my players to play their best and not underestimate the opponent,” sabi ni Victolero sa kanilang ‘battle of the brain’ ng kapuwa ­Mapua player at  bagong Black-water coach Bong Ramos.

Hanggang ngayon ay bigo pa rin si Ramos na makuha ang mailap na panalo matapos palitan si Leo Isaac, na isa ring Mapua player.

Muling sasandal si Victolero sa kanyang mga kamador na sina Mark Barroca, Jio Jalalon, Paul Lee, Peter June Simon at Rafi Reavis.

Para kay coach Ramos, “enough is enough” at gagawin niya ang lahat para makaahon sa malalim na pagkakabaon at pumasok sa win column kung saan ang Blackwater ay hindi pa nakatitikim ng panalo.

Nalasap ng Blackwater ang ika-7 sunod na kabiguan laban sa NLEX, 89-93, at determinado si coach Ramos na manalo kontra Magnolia.

Haharangan ang opensa ng Magnolia nina import Henry Walker, Filipino-American Mike de Gregorio, Mac Belo, Allein Maliksi, Roi Sumang, Mike Cortez at Epoy Erram.

Samantala, sa pangunguna ni import Rolando Balkman ay, pinapaboran ang SMB kontra Columbian. Hawak ng Beermen ang 2-3 marka, habang may 3-4 ang Dyip.  CLYDE MARIANO