Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
3 p.m. – Blackwater vs Magnolia
5:45 p.m. – Ginebra vs Terrafirma
MAY tsansa pa ang Magnolia, gaano man kaliit, na makopo ang top four slot sa PBA Governors’ Cup quarterfinals at ang kaakibat nitong twice-to-beat advantage kontra lower-ranked team.
Ang tropa ni coach Chito Victolero ay mapapalaban sa pressure-free Blackwater ngayong Miyerkoles sa Ynares Sports Center in Antipolo.
“We have a slim chance of getting to the top four, pero we want parang momentum pa rin going to the playoffs. Kaya very important ‘yung game bukas,” pahayag ni Victolero Martes ng umaga.
Nakatakda ang laro sa alas-3 ng hapon.
Matapos ang walong sunod na pagkatalo na naghulog sa kanila sa 1-9 kartada, ang Bossing ay sibak na sa kontensiyon para sa susunod na round subalit siguradong nais nilang tapusin ang season na nanalo
Taliwas dito, ang Magnolia ay may tsansa pa na magtapos sa top four ngunit ito ay kung magiging sapat ang kanilang resulting 7-4 record para makatabla para sa isa sa nalalabing spots sa magic circle.
Nanindigan si Victolero na kailangan muna nilang magpokus sa kanilang laro.
“Hindi na namin kontrolado iyung mga mangyayari after our game, mga laro nu’ng iba,” aniya.
“Ang kontrolado namin ‘yung game namin so we take care of our business first and then kung anuman mangyari,” dagdag ni Victolero. “Basta prepare hard kami for the playoffs. Practice hard, tamang mindset, na ang importante pa rin may opportunity, may chance, kami to go forward.”
Sa ikalawang laro sa alas-5:45 ng hapon ay magsasalpukan ang quarterfinalist Barangay Ginebra at ang sibak nang Terrafirma.
CLYDE MARIANO