HOTSHOTS, BEERMEN NAKAUNA

NAGSANIB-PUWERSA sina Paul Lee at  Ian Sangalang para tulungan ang Magnolia na maitakas ang 81-70 panalo kontra Elasto Painters sa pagsisimula ng kanilang Philippine Cup quarterfinals duel kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.

Nagbuhos si Lee ng 20 points, 14 dito ay sa fourth period, habang tumapos si Sangalang na may 19 points at 13 points.

“’Pag ‘di ka nagtrabaho, ‘di mo makukuha game na ito,” sabi ni Sangalang makaraang kunin ng Hotshots ang Game 1 sa best-of-three duel.

Ang explosion ay maaaring hindi kasinlaki ng 18 ni Lee sa payoff period sa kainitan ng 100-90 panalo kontra San Miguel Beer noong nakaraang linggo, ngunit sapat pa rin para makatulong na matapatan ang atake ng E-Painters sa pangunguna ni Santi Santillan.

Naitala ni Santillan ang 13 sa kanyang sariling team-high 17 points sa fourth ngunit ‘di tulad ni Lee, ang rookie ay hindi nakakuha ng sapat na suporta mula sa kanyang teammates,

Nasiyahan naman si Magnolia coach Chito Victolero sa ipinakita ng kanyang tropa na nagbigay sa kanila ng 66-43 rebounding advantage, kabilang ang 23-8 mula sa offensive boards.

“We talked about how to outhustle, outwork our opponent,” ani Victolero. “In terms of talent, we’re not that deep. Pero chemistty and working hard number one para sa akin itong team na ito. Kita naman sa mga batang ito, ‘yung mga 50-50 balls, hustle.”

Malaking bagay para kay Victolero ang makauna sa kanilang serye.

“Very important iyung Game 1,” paliwanag niya. “Iyan ang magbibigay ng momentum.”

Ikinatuwa rin ni Victolero na nakabalik si Lee makaraang magmintis sa kanyang unang anim na tira mula sa field at nalimitahan sa isang puntos lamang sa first half.

“Kilala naman natin si Paul, eh. Anytime he can score 12, 15 points in any given stretch,”  ani Victolero. “Pag nag-struggle si Paul, alam ko na makakabalik at makakabalik iyan dahil grabe kumpiyansa ng bata.”

Sa ikalawang laro ay nagpakitang-gilas si Alex Cabagnot sa kanyang pagbabalik mula sa matagal na pagka-wala, at nalusutan ng San Miguel Beermen ang last-ditch rally upang maungusan ang NorthPort Batang Pier, 88-87.

Ang thrilling victory ay nagbigay sa Beermen ng 1-0 lead sa kanilang best-of-3 quarterfinal series, at naglapit sa kanila sa semifinals.

Nagpasabog si Cabagnot, lumiban sa huling pitong laro ng San Miguel dahil sa knee injury, ng 20 points sa 7-of-13 shooting, kabilang ang game-winning jumper, may 1.5 segundo ang nalalabi, upang patunayan ang  pagiging clutch shot maker ng kanyang koponan.

Isa itong heartbreaking loss para sa Batang Pier, na binura ang double-digit deficit sa final period at kinuha ang 87-86 lead, may  5.1 segundo ang nalalabi, makaraang maipasok ni Robert Bolick ang isang three-pointer mula sa halos half-court. CLYDE MARIANO

Iskor:

Unang laro

Magnolia (81) – Lee 20, Sangalang 19, Jalalon 10, Dela Rosa 10, Abueva 8, Barroca 8, Corpuz 4, Pascual 2, Brill 0, Melton 0, Reavis 0, Ahanmisi 0, De Leon 0, Capobres 0, Dionisio 0.

Rain or Shine (70) – Santillan 17, Nambatac 16, Mocon 11, Belga 8, Borboran 5, Norwood 3, Caracut 3, Pon-ferada 3, Yap 2, Torres 2, Guinto 0, Wong 0, Asistio 0, Johnson 0, Tolentino 0.

QS: 21-16, 37-42, 60-50, 81-70.

Ikalawang laro

SMB (88) – Cabagnot 20, Tautuaa 15, Perez 14, Ross 12, Fajardo 10, Santos 9, Lassiter 8, Pessumal 0, Romeo 0, Zamar 0, Gotladera 0, Comboy 0, Gamalinda 0, Sena 0.

NorthPort (87)  – Anthony 16, Slaughter 15, Malonzo 13, Bolick 13, Taha 10, Ferrer 8, Onwubere 7, Elorde 3, Rike 2, Subido 0, Balanza 0, Doliguez 0, Lanete 0, Grey 0, Faundo 0.

QS: 21-19, 44-43, 65-60, 88-87.

3 thoughts on “HOTSHOTS, BEERMEN NAKAUNA”

Comments are closed.