HOTSHOTS HUMIRIT SA GAME 3

BALIK sa kontensiyon ang Magnolia sa PBA Philippine Cup Finals matapos ang 106-98 panalo sa Game 3 nitong Linggo sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.

Lugmok sa unang dalawang laro, nag-ipon ang Hotshots ng kinakailangang lakas upang pigilan ang Tropang Giga sa pagtarak ng 3-0 bentahe sa best-of-seven series.

May pagkakataon si coach Chito Victolero at ang kanyang tropa na maitabla ang serye sa Game 4 sa Miyerkoles.

Nakabawi ang Hotshots sa Tropag Giga sa Game 3 sa pag-atake sa loob upang ma-counter ang three-point shooting ng TNT at malusutan ang 39-point explosion ni Mikey Williams

Ang TNT super rookie ay kumana ng 10-of-18 mula sa arc — ang pinakamarami ng isang player sa PBA Finals.

Subalit sa kabila ng pananalasa ni William, naniniwala ang  Hotshots na naging sandigan nila ang kanilang depensa.

“Tingin ko we played defense better than we did in the first two games. Importante yung mindset. Sabi namin remember what brought us here – depensa. At talagang dumepensa kami ng husto,” sabi ni Victolero.

Nagpasabog si Paul Lee ng 21 points habang nagdagdag si Ian Sangalang ng 20 upang pangunahan ang balanseng atake ng Magnolia, na nakakuha rin ng suporta kina Mark Barroca, Calvin Abueva at Jio Jalalon.

Nagdagdag si Rome dela Rosa ng 9 markers habang nag-ambag si Jackson Corpuz ng 7 bago napatalsik sa laro dahil sa technical foul at flagrant infraction.

Nakakolekta si Jalalon ng 11 points, 3 rebounds, 3 assists at 2 steals, at pumalit sa puwesto ni injury-hit Barroca bilang starter. At sa kabila ng kanyang injury, si Barroca ay nakapagtala ng 16 points.

“Kumuha ako ng motivation kay Mark. Kita ko kasi na-injured na siya, pero laban pa rin,” ani Lee.      CLYDE MARIANO

Iskor:

Magnolia (106) – Lee 21, Sangalang 20, Barroca 16, Abueva 14, Jalalon 11, Dela Rosa 9, Corpuz 7, Reavis 5, Ahanmisi 3, Brill 0, Melton 0, De Leon 0, Capobres 0, Dionisio 0.

TNT (98) – M. Williams 39, Pogoy 14, Erram 10, Castro 9, Heruela 8, Marcelo 7, K. Williams 4, Reyes 3, Khobuntin 2, Rosario 0, Exciminiano 0, Montalbo 0, Alejandro 0, Javier 0, Mendoza 0.

QS: 26-20, 52-46, 82-77, 106-98.

Comments are closed.