Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – TNT vs Meralco
5:45 p.m. – Magnolia vs San Miguel
SA LOOB ng apat na araw ay mahaharap ang tournament leader Magnolia sa malaking hamon na maglaro ng back-to-back games laban sa mga bigatin.
At ito ang magdedetermina kung makukuha ng Hotshots ang twice-to-beat bonus sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals.
Unang makakaharap ng tropa ni coach Chito Victolero ang San Miguel Beer ngayong alas-5:45 ng hapon sa Araneta Coliseum at pagkatapos ay ang Bay Area Dragons sa Sabado, alas-6:45 ng gabi, sa PhilSports Arena sa Pasig.
Ang first order ay ang malusutan ang Beermen para ipormalisa ang pagpasok sa post-elims play.
Kung aangat sila sa 8-1, mapananatili nila ang liderato at magkakaroon ng magandang pagkakataon sa Top 2 finish at sa win-once quarters incentive kung saan makakasagupa nila ang Bay Area, Meralco at Rain or Shine sa kanilang mga nalalabing laro sa elims.
Gayunman ay iginiit ni Victolero na magpopokus muna sila sa San Miguel side na determinadong palakasin ang kanilang sariling kampanya.
Sa kasalukuyan, ang Beermen ay nasa eighth place sa 3-4.
Natalo sila sa kanilang huling laro nang kumulapso sa endgame kontra Barangay Ginebra Kings, 97-96. Isa pang talo ay maaalis sila sa magic eight.
Kailangan ni coach Leo Austria at ng kanyang tropa ng malakas na elims windup kung saan makakaharap nila ang Magnolia, Phoenix Super LPG, Terrafirma, TNT at Meralco.
Umaasa silang makauusad sa quarterfinals, pagkatapos ay muling magsisimula sa posibleng pagbabalik nina June Mar Fajardo at Terrence Romeo.
Ang kagyat nilang layunin ay ang malusutan ang unang balakid — ang Hotshots.
CLYDE MARIANO