Mga laro ngayon:
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. – Meralco vs Phoenix
7 p.m. – San Miguel vs Alaska
IGINUPO ng Magnolia ang Blackwater, 103-99, upang maging unang semifinalist sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Hindi naging madali ang panalo ng Hotshots at kinuha nila ito sa mga huling segundo sa kabayanihan nina Ian Sangalang, import Romeo Travis at Paul Lee.
Kumana si Travis ng triple-double – 18 points, 20 rebounds at 12 assists – upang tanghaling ‘best player of the game’ sa unang pagkakataon.
Desperado ang Elite na manalo upang maipuwersa ang winner-take-all subalit nagmatigas ang Hotshots, na armado ng twice-to-beat bonus sa quarterfinals.
Nagbanta ang Blackwater sa tres ni Paul Christian Zamar sa assist ni William Henry Walker, 99-100, matapos sumablay ang tres ni Lee, may 33.4 segundo ang nalalabi.
Sa return play, na-foul si Travis ni Nard John Pinto at binigyan ito ng dalawang charity, subalit sumablay ang unang free throw at naipasok ang pangalawa para ilagay ang talaan sa 101-99.
Tumawag si Blackwater coach Bong Ramos ng huling timeout para ikasa ang final game plan ngunit nagmintis ang tres ni Pinto at nakuha ni Lee and defensive rebound at na-foul ang dating UE Red Warriors ace.
Naisalpak ni Lee, beterano ng dalawang Asian Games sa Korea at Indonesia, ang dalawang free throws para sa final score.
“They really wanted to win. Travis played well. He was all over. I praised him for his effort,” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero.
Matagumpay na depensahan ni Travis si William Henry Walker at hindi pinaiskor sa huling tatlong minuto. Tumipa si Walker ng 18 points at 8 rebounds. CLYDE MARIANO
Iskor:
Magnolia (103) – Lee 22, Travis 18, Sangalang 18, Simon 16, Barroca 9, Melton 8, Brondial 4, Reavis 3, Dela Rosa 3, Jalalon 2.
Blackwater (99) – Walker 18, Erram 15, Zamar 13, Maliksi 12, Belo 11, Digregorio 8, Pinto 7, Sumang 7, Al-Hussaini 4, Javier 4, Jose 0.
QS: 32-22, 55-47, 76-78, 103-99.
Comments are closed.