HOTSHOTS SOSOSYO SA NO. 1

HOTSHOTS

Mga laro ngayon:

Araneta Coliseum

4:30 p.m. –  Columbian vs Magnolia

7 p.m. –  Rain or Shine vs Alaska

HANGAD ng Magnolia Hotshots na sumalo sa liderato sa sister team at reigning Commissioner’s Cup champion Barangay Ginebra sa pakikipagtipan sa wala pang panalong Columbian Dyip sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Araneta Coliseum.

Pinapaboran ang Hotshots na manalo sa Car Makers sa kanilang sagupaan sa alas-4:30 ng hapon, na susundan ng salpukan ng third running Alaska at winless Rain or Shine sa alas-7 ng gabi.

Papasok ang Magnolia na mataas ang morale matapos ang 109-108 pag-ungos sa sister team at reigning Philippine Cup champion San Miguel Beer na bumagsak sa 2-3 kartada.

Kung mananalo ang Magnolia sa Columbian ay kailangan na lamang nilang talunin ang Alaska sa Oktubre 14 upang pormal na umabante sa quarter-finals.

Sa kabila na liyamado ay ayaw  magkumpiyansa ni coach Chito Victolero kung saan tinagubilinan niya ang kanyang mga bataan na pag-igihan ang laro at huwag magpabaya para masi­guro ang panalo.

“We have the good materials. I told them to play with determination and resiliency to ensure victory,” sabi ni Victolero.

Pangungunahan ni import Romeo Travis ang opensiba ng Magnolia, katuwang ang mga local na sina Paul Lee, Ian Sangalang, Justin Melton, Marc Barroca, Jio Jalalon, at three-point specialist Aldrech Ramos.

Sa unang pagkakataon ay hahara­pin ni Travis ang kapuwa import na si Akeem Wright sa kanilang personal duel.

Determinado si Wright na ibigay ang unang panalo ng Columbian matapos malasap ang anim na sunod na kabiguan, ang huli ay laban sa SMB, 119-143, noong Setyembre 21.

Bibigyang suporta si Wright nina LA Revilla, Prince Caperal, Nico Elorde, Eric Camson, Philip Paniamogan at Jackson Corpuz.

Inaasahan namang mapapalaban ang Alaska sa Rain or Shine na determindo manalo at pumasok sa win column matapos yumuko sa kanilang ­unang dalawang laro kontra Talk ‘N Text at Magnolia.    CLYDE MARIANO

Comments are closed.